Sanayan lang
MEDYO napangiti ako nang mabalitaan na pinalilikas na ng mayor ng New York ang mga naninirahan sa siyudad, dahil sa parating na bagyo. Nang tingnan ko ang lakas ng hurricane “Irene”, eh mga signal number 2 lang kung sa atin tumama ang bagyong iyon. Samantalang ang bagyong Mina ay umabot sa signal number 4, may mga nag-iinuman pa sa kalye sa Cagayan! Sigurado ako yung mga Pilipino na nasa New York ay hindi na umalis ng kanilang mga bahay at nanood na lang ng pelikula sa DVD. Hihintayin na lang dumaan ang bagyo, handa na ang mga kandila at flashlight kung sakaling mawalan ng kuryente.
Dito sa atin, karaniwan na ang mga bagyong umaabot ng signal number 3 o higit pa. raragasa sa Bicol Region, may mga masisirang tahanan, magbabaha at may namamatay. Kapag lumipas na ng bagyo, maglilinis na at mag-aayos ng mga nasira. Sanay na sanay na tayo, lalo na ang Bicol Region, sa mga matitinding bagyo. Halos parte na ng pang araw-araw na buhay. Sa New York, dalawang milyong tao ang gustong ilikas ng mayor, kahit nasa signal number 1 na lang yata yung bagyo! Sanayan lang talaga.
Pero magandang pagsasanay na rin iyon para sa isang siyudad tulad ng New York, na umaapaw sa tao. Ayaw lang magbakasakali yung mayor, at tama naman na mas maganda ang maging maingat at handa, kaysa magsisi. Tinatamaan din ng matinding kalamidad ang New York, katulad ng matinding lindol at niyebe. Wala ka ring laban sa mga ganyang pangyayari, pero handa sila. Magaganda ang kanilang kapabilidad harapin ang anumang kalamidad o trahedya. Napatunayan ito noong 9/11. Sana nga ganun din tayo kahanda at kaingat. Ang mahirap sa atin, napakahirap naman kumbinsihin ang ibang mga tao na lumikas na dahil sa kalamidad. Pumuputok na ang bulkan, ayaw pang umalis! Bumabaha na, mas gugustuhin pang sa bubong ng bahay umakyat kaysa iwanan. Alam na may parating na malakas na bagyo, ayaw pa rin umalis mula sa mga tahanan. Ayaw siguro iwan ang mga pag-aari at baka manakaw naman! Pero kung buhay naman ang nalalagay sa peligro, hindi na dapat iniisip iyon.
- Latest
- Trending