Solusyon sa mahina ang puso (heart failure)
MAY sakit na kung tawagin ay Heart Failure, kung saan ay humihina ang masel ng puso. Dahil dito, nahihirapan ang puso na magbomba ng dugo sa buong katawan.
Bakit nanghihina ang puso? Ang karaniwang sanhi ng heart failure ay ang pagbabara ng ugat sa puso, dulot ng altapresyon, diabetes, paninigarilyo at pagkain ng matataba. May mga batang pasyente na may rheumatic heart disease ang nagkakaroon din ng heart failure.
Paano malalaman kung may heart failure?
Ang pinakamagandang test para malaman ang kondisyon ng puso ay ang 2D-Echo, kung saan lalabas sa telebisyon ang hugis ng puso. Hindi ito masakit. Nagkakahalaga ito ng P1,500 hanggang P4,000 depende kung saan gagawin. Base sa 2D Echo, malalaman kung may heart failure ang pasyente.
Ang sintomas ng heart failure ay ang pamamanas ng paa, paghingal, mabilis mapagod at hirap sa pagtulog ng nakahiga. Parang nalulunod ang pakiramdam at kailangan nilang gumamit ng maraming unan.
Ano ang gamutan?
Kailangan magpa-check up agad sa isang cardiologist. May mga gamot na ibinibigay sa pasyente tulad ng:
1. Furosemide 40 mg tablet – Gamot na pampaihi. Dahil nga mahina ang puso, nag-iipon tuloy ang tubig sa buong katawan.
2. Ace-inhibitors tulad ng Enalapril 10 mg o Captopril 25 mg tablet – Mabisa ang gamot na ito para mapaliit ng bahagya ang lumalaking puso.
Paano matatanggal ang manas ng heart failure?
1. Limitahan ang pag-inom ng tubig at likido sa 4 o 5 baso lang sa isang araw. Kabilang na rito ang sopas, juice, at matubig na prutas. Kapag uminom ka ng isang tasang sabaw, 4 na baso na lang ng tubig ang puwede mong inumin.
2. Sukatin ang iniinom at iniihi bawat araw. Ilista ito. Gumamit ng plastic na litro ng softdrinks para masukat ang lahat ng iniihi sa isang araw. Kailangan ay mas marami ang iniihi kaysa sa iniinom. Kung 1 litro ang nainom, kailangan ay 1 o 2 litro ang iihiin sa isang araw. Sa ganitong paraan, mababawasan ang manas at paghingal ng pasyente.
3. Timplahin ang pag-inom ng Furosemide para maabot ang layunin na 2 litro ng ihi sa isang araw. Puwedeng 2 tableta ng Furosemide ang inumin.
4. Kumain ng 2 o 3 saging bawat araw. Ito’y para mapalitan ang potassium na nawawala sa katawan sa pag-ihi.
Alam kong mukhang mahirap ang paggamot ng heart failure. Pero napakaraming pasyente na ang napagaling sa ganitong paraan.
Huwag mangamba. May pag-asa pa kahit mahina ang inyong puso. Kumunsulta sa doktor.
- Latest
- Trending