Magsipilyo ng 3 beses bawat araw
ISA sa laganap na problema ng Pinoy ay ang pagkasira ng ngipin. Pumunta sa anumang barangay o eskwelahan, karamihan ng mga bata ay sira o nabubulok ang ngipin. Kapag nangyari ito, ang unang iisipin ng magulang ay ipabunot ang ngipin. Paano na ang kinabukasan ng bata?
Ang may kasalanan talaga nito ay ang mga magulang. Hindi nila tinuturuan ang kanilang anak na magsipilyo. Napatunayan na kapag laging sira ang iyong ngipin, mababawasan ng tatlong taon ang iyong buhay.
Paano ang tamang pagsisipilyo?
Ang tamang paggamit ng toothbrush ay iyung nakatagilid sa ngipin ng 45 degrees ang angulo. Hinay-hinay lang ang pag-brush. Ang tamang pag-brush ay pataas-pababa, mula sa pagitan ng gilagid at ngipin.
Taas-baba lang ang dapat gawin. Ang bawat ngipin ay dapat ma-brush ng 10 beses bawat pagsipilyo. Sa ganitong paraan, matatanggal ang mga dumi na sumiksik sa ngipin.
Unahin muna ang mga ngipin sa ibaba, bago sa itaas. Mag-brush sa kaliwa, sa gitna at sa kanan. Abutin din hanggang likod ng mga ngipin. I-brush din ang dila. Huwag magmadali. Mag-brush ng higit kumulang sa 3 minuto.
Mga dagdag na payo para sa ngipin
1. Kung hindi kayang mag-brush pagkatapos kumain, magmumog na lang maigi sa banyo.
2. Gumamit din ng dental floss (yung sinulid na pinapasok sa pagitan ng ngipin) araw-araw. Mag-floss kahit isang beses sa isang araw.
3. Bumili ng panlinis ng dila o Tongue Cleaner. Napatunayan nang makababawas ito ng mabahong hininga at bacteria sa bibig.
4. Huwag kumain ng matitigas na bagay at baka ma- bali ang inyong ngipin. Dahan-dahan sa pagkagat ng baboy, baka, butong pakwan at iba pa.
5. Umiwas sa pagkain ng matatamis na pagkain tulad ng candy at chocolates. Nakasisira kasi ito ng ngipin. Magmumog o uminom ng tubig pagkaka- in nito.
6. Huwag hayaan si beybi na makatulog na may bote ng gatas sa bibig. Painumin siya ng tubig pagka-dede para hindi masira ang ngipin.
7. Huwag uminom ng makulay na inumin tulad ng softdrinks, iced tea at hot teas. Umiwas din sa sigarilyo. Nakadidilaw kasi ang mga ito ng ating ngipin.
8. Magpakonsulta sa inyong dentista kada anim na buwan.
Kaya pakiusap ko po sa mga magulang diyan. Turuan ang mga anak na magsipilyo araw-araw. Iwas impeksyon, iwas bad breath at iwas gastos din. Mas mainam na kumpleto at maganda ang ngipin para makakuha ng magandang trabaho.
- Latest
- Trending