Economic justice
BRAVO P-Noy! Bravo sa pagtugis sa monopoliya at unfair competition bilang salot na kailangang remedyuhan. Sa pamamagitan ng Executive Order 45, itinalaga ang Department of Justice (DOJ) bilang Anti Competition Authority upang siguraduhin na walang makakalusot na kombinasyon na umaabuso sa lipunan. Sa ilalim ng Revised Penal Code, isa itong krimen laban sa lipunan.
Napapanahon ang hakbang ng Palasyo gayong tinatalakay na ng National Telecommunications Commission ang pagsanib ng Smart at Sun Telecoms, mga kompanyang pag-aari ng Pangilinan at Gokongwei Groups. Medyo teknikal ang mga konsiderasyon dito pero iisa ang bottom line: maaring bang magresulta ang kombinasyon sa hindi makatwirang manipulasyon ng presyo ng kanilang serbisyo at produkto? Magsasawalang kibo na lang ba habang napagsasamantalahan na ng kombinasyon ang kanilang kapangyarihan sa mercado?
Ang E.O. 45 ay naglalayong magtatag ng ahensya na ang trabaho lamang ay tutukoy at magpapatigil sa ganitong abuso. Makikita ito hindi lamang sa telecommunications – andyan din sila sa industriya ng langis, sigarilyo, media, semento, bigas, asukal at marami pang iba. Kadalasan nga, pare-parehong pamilya at pangalan ang nakikinabang.
Sa Amerika ay nasa ilalim din ng US Department of Justice ang kanilang Anti-Competition Authority na tinawag na Anti-Trust Division. Isa ito sa pinakarespetadong ahensya sa kanilang burokrasya.
Mataas ang tiwala ng tao na habang si Sec. Leila de Lima ang naka-front sa DOJ ay mabibigyang sigla ang kampanya laban sa ganitong abuso. Di tulad ng Amerika, hindi pa gaanong hinog ang kasaysayan natin sa panghimasok ng pamahalaan sa negosyo. Pero kailangang proteksyunan ang lipunan – ika nga ni de Lima, “to promote economic justice for all”. Anumang pagkukulang ng batas ay handa namang punuan ng Kongreso na siya ring naunang nakapansin sa lumalalang sitwasyon.
Wala sa mga naunang presidente ang nangahas humakbang ng ganito. Ang aksyon ni P-Noy ang tipo ng agresibong reporma na inaasahan ng lipunan sa kanya. Sana’y magbadya ito ng dagdag pang maganda at maapog na desisyon na hihila sa atin pabalik sa minimithing tuwid na daan. Kapag laging ganito a-tapang ang kilos ni P-Noy, pihadong bulusok paitaas imbes na bulusok pababa ang kanyang approval ratings. Bravo!
P-Noy’s
Anti Competition E.O. Grade: 91
- Latest
- Trending