Editoryal - Naglaho parang bula ang smugglers ng black corals
WALA na ang Chinese trader at kanyang asawa na nasa likod ng bigong pag-smuggle ng P35-million halaga ng black corals. Ang mag-asawang Li Yu Ming alyas Joe Pring at asawang si Olivia Li ay parang bulang naglaho at umano’y nasa Hong Kong na. Marahil nagtatawa na sa kasalukuyan ang mag-asawa na tinaguriang mga “kriminal ng kalikasan” sapagkat nalusutan nila ang batas ng Pilipinas ukol sa illegal poaching ng black corals, seashells at iba pang marine species sa karagatan ng Mindanao. Ang black corals ay ginagamit para sa jewelry. Nadiskubre ang smuggling activities ng mag-asawa nang makumpiska ng Bureau of Customs ang cargo ng black corals, sea shells at mga pinatuyong pawikan sa Manila port noong Mayo 1 galing ng Cotabato. Nakapangalan ang cargo sa isang Exequiel Navarro.
Imposible nang mahuli ang mag-asawang “kriminal”. Gagawin nila ang lahat para hindi na maibalik sa Pilipinas. Tiyak na marami na silang kinitang pera sa black corals smuggling at puwede na silang magparetoke ng mukha para hindi makilala.
Dapat namang imbestigahan ang mga nagpabaya kung bakit nakatakas ang mag-asawang “kriminal”. Bakit hindi agad nasampahan ng kaso ang mga ito para napigilan sa pag-alis? Bakit mabagal sa pag-iisyu ng hold-departure order sa dalawang “kriminal”?
Galit na sinabi ni Senate President Juan Ponce Enrile, dapat patalsikin ang dalawang prosecutors na dapat sana ay umaksiyon para masampahan ng kaso ang dalawa. Dahil sa hindi nila pagkilos, nakatakas ang mga “kriminal”.
Tiyal na mauulit ang pagwasak sa yamang dagat ng Pilipinas hangga’t walang “kamay na bakal” na bibigwas sa mga “kriminal ng kalikasan”. Matutuwa ang mamamayan kung magkakaroon ng political will ang mga namumuno para maisalba ang likas na kayamanan ng bansa. Huwag patawarin ang sumisira sa kalikasan.
- Latest
- Trending