Peligrosong rehiyon
SA bawat kilos, may katumbas na pareho pero pa-kontrang kilos. Ito ang isa sa mga batas ng physics. Naaalala ko pa ang aking mga pinag-aralan sa high school! Ayon sa batas na ito, parang sinasabi na lahat ng kilos ay may kapalit. Siguro magandang halimbawa nito ay ang pagputok ng baril. Kapag malakas ang bala na pumutok, malakas din ang mararamdamang sipa sa baril.
At tila ganito na nga ang mga nagaganap sa Middle East. Permanenteng binuksan na ng Egypt ang kanilang bansa sa Gaza. Ang Gaza ay ang kapirasong lupain na binigay na lang ng Israel sa mga Palestino, pero kontrolado ng Israel ang mga borders nito, kasama na yung sa Egypt. Sa administrasyon ni Hosni Mubarak, kontrolado ang daanang ito para sa mga Palestino na nagtatrabaho sa Egypt. Dahil kasangga ni Mubarak ang Israel – na sinimulan ng pinalitang pangulo ni Mubarak na si Anwar Sadat – pinagpatuloy lang ni Mubarak ang kapayapaan at relasyon ng kanyang bansa sa Israel. Pero wala na si Mubarak. At malinaw na iba na ang mga polisiya ng bagong nakaupong administrasyon hinggil sa pagsara ng border.
Malaking dagok ito sa Israel, dahil nawalan ng kakampi sa rehiyon. Egypt at Jordan lang ang mga bansang Arabo sa rehiyon na may “magandang” relasyon sa Israel, dahil tinanggap na nila ang pagiging bansa nito. Kung wala na ang Egypt, sigurado tatabangan na rin ang Jordan, dahil wala na rin si King Hussein. Hindi pa natin alam kung ano talaga ang magiging estado ng relasyon ng tatlong bansang ito, pero siguradong may pangamba na ang Israel na muli na naman silang mag-iisa sa rehiyon. Kapag naganap iyan, dagdag na naman sa pagiging magulo ng rehiyon, na huwag naman sana, magtungo sa isa na namang digmaan.
At ano ang epekto sa atin at tila lahat ng mata ay binabantayan ang sitwasyong ito? Siyempre langis. Ano pa ba ang mahalagang bagay sa rehiyon na ito kundi ang langis na hawak ng mga Arabo. Kung mataas na ang presyo ng langis ngayon, parang kuwitis na walang tigil ang lipad ang magiging kilos ng presyo kung sakaling sumama nang husto ang sitwasyon.
Kung ang gasolina ay hindi makababa sa singkwenta pesos ngayon, kahit bumaba na ng $100 kada bariles, Magkano aabot ang gasolina kapag magulo na? Panahon para sa mga magagaling na diplomasya sa pagitan ng tatlong bansa, para hindi sumabog na lang ang rehiyon sa isang digmaan!
- Latest
- Trending