EDITORYAL - Matigas na batas ng China
HINDI na pinakinggan ang apela ng Pilipinas at iginawad din kahapon sa tatlong Pinoy na nahulihan ng heroine ang mabigat na parusa. Matigas ang batas sa China at walang makapipigil kahit na sino pa man. Igagawad ang kaparusahan upang magsilbing babala sa mga gagawa ng kasalanan sa kanilang bansa. Si Vice President Jejomar Binay ang naghatid ng balita na iginawad na nga ang parusa kina Ramon Credo, Sally Ordinario-Villanueva at Elizabeth Batain. Malungkot ang tinig ni Binay habang inihahatid ang balita sa ginawang execution kahapon ng umaga. Ginawa umano ng pamahalaan ang lahat nang paraan para mapigil ang pagbitay subalit sadyang matigas at wala nang makapigil sa hatol. Pinal na at wala nang pagpapatawad. Ganunman, nirerespeto ng Pilipinas ang batas ng China. Hindi rin umano ito makasisira sa relasyon ng dalawang bansa.
Lubhang matigas ang batas sa China at ganito rin naman dapat ang ipatupad sa Pilipinas. Sa dami ng mga dayuhang drug traffickers sa bansa (karamihan ay mga Chinese at Nigerian) nararapat nang maging matigas ang Pilipinas at i-execute rin ang mga ito upang magbigay babala. Kung sa habang panahon ay pawang ikukulong ang mga mahuhuling dayuhang drug traffickers, mamumutiktik lamang ang National Bilibid Prisons sa dami ng nakakulong. Sa bigat ng kanilang kasalanan, dapat bang habambuhay lamang ang ipataw sa kanila. Marami nang nasira at masisira pang buhay dahil sa kagagawan ng drug traffickers at kung patuloy silang ikukulong, marami pa silang magagawa para matakasan ang batas. Sa dami ng mga corrupt na awtoridad na tapalan lamang ng pera ay magagawang patakasin ang bilanggo, posibleng makalusot ang drug traffickers. Marami nang nangyaring ganito. Sa Camp Crame na lamang ay ilang drug trafficker na ang nakatakas.
Hindi lamang ang China ang mahigpit at mabigat ang batas kapag illegal drugs na ang kasangkot, marami pang bansa, at dapat na ganito na rin ang gawin ng Pilipinas. Noong panahon ni dating Ferdinand Marcos, isang Chinese na nagngangalang Lim Seng ang finiring squad sa Fort Bonifacio. Nagsilbing babala ang pag-firing squad kay Lim Seng kaya naman buma-ba ang pagkalat ng bawal na gamot noong dekada 70.
Kung nagawa ang ganoon kahigpit at katigas na batas, bakit hindi magawa ngayon na talamak ang problema sa droga.
- Latest
- Trending