TRO sa kaso vs. Willie walang bisa?
HINDI pa tapos ang legal battle ng ABS-CBN laban kay Willie Revillame na inaakusahang nangopya ng format ng Wowowee sa bagong show sa TV-5 na Willing-Willie. Sa ngayon nakahihinga pa nang maluwag si Willie Revillame. May Temporary Restraining Order (TRO) na inisyu ang Court of Appeals sa habla ng ABS-CBN na copyright infringement.
Pero ayon sa mga legal counsel ng ABS “Walang bisa ang TRO” dahil ang Justice na nagbaba ng TRO ay disqualified nung panahong inisyu ito. Si Justice Franchito Diamante ay pamangkin pala ng abogado sa kampo ni Revillame at ito’y bawal ayon sa batas. Nagtataka raw ang mga counsel ng ABS-CBN dahil nang iharap ang information sa CA para mag-inhibit si Diamante, saka naman ibinaba ang hatol nito. After three weeks, nagbaba rin ng panibagong desisyon si Justice na hindi siya magbibitiw.
Noong una, inireklamo ng kampo ni Revillame ang ABS-CBN dahil ang unang humawak sa kaso ay si Justice Samuel Gaerlan na kamag-anak daw ng isa sa mga abogado ng network na nagdedemanda. Dahil dito, agad nagbitiw si Gaerlan. Pero bakit si Diamante ay ayaw magbitiw gayung may kamag-anak siyang abogado ni Revillame? Sa halip, ang abogadong kaanak niya ang nagbitiw (o pinagbitiw).
Kinasuhan ng ABS-CBN si Willie sa Hukuman sa Makati para matigil ang palabas sa TV-5 dahil rehistrado umano ang format nito sa dating Wowowee na naging popular noontime show sa Channel 2. Anang mga abogado, tulad din ito ng pagnanakaw sa ari-arian ng iba. Katulad din ito ng pagnanakaw ng patented formula o invention na kapag ginawa ng iba na walang pahintulot ay may karampatang kaparusahan.
At dahil nga sa 60-day TRO, tigil muna ang pagdinig sa kaso. Pero ayon sa balita natin, tanging si Diamante ang pumirma sa TRO at hindi kasali ang dalawa pa niyang kasamahan sa dibisyon. Nag-resign din ang pamangkin bilang abogado sa kampo ni Willie. Ang tanong, Di kaya inutusan ni Diamante ang pamangkin na magbitiw para maging qualified si Justice?
Batay umano sa regulasyon ng Korte, ang isang justice tulad ni Diamante ay dapat mag-inihibit kung siya ay kaanak ng abogado ng isinasakdal na partido.
- Latest
- Trending