Kuwatro o Kuwarto?
HINDI na bago ang imoral at iligal na alok ng “Kuwatro o Kuwarto?”, particular sa mga unibersidad at kolehiyo.
Ito ‘yung alok kung saan papipiliin ang estudyante ng kanilang school o university superior katulad ng Dean, propesor o mga guro para pumasa sa eskuwela.
Dalawa lamang ang maaaring pagpilian. Kuwatro o mas kilalang grado sa kolehiyo na incomplete at Kuwarto, na ang ibig sabihin ay pakikipagtalik sa isang motel o hotel.
Ang alok na ito ang naging dahilan ng pagkahulog sa BITAG ni Dean Alexander Rible sa kaniyang Hotel and Restaurant Management student na tinawag naming si Cathy.
Setyembre 2009 nang mapilitang tanggapin ng bik-tima ang alok ni Dean dahil naharang na raw ni Dean ang mga grado sa kaniyang subject.
Ayon sa biktima, huling tsansa na niya itong makapag-aral dahil nauna nang nabigo ang kaniyang mga magulang nang magkaanak sa kaniyang boyfriend habang nag-aaral sa unang kurso.
Alok ni Dean, makikipagtalik ang estudyante sa kaniya dalawang beses isang buwan o tuwing na-i-stress ito. Ang kapalit, pasadong grado sa kaniyang mga subjects kahit hindi na siya pumasok.
Matapos ang entrapment operation laban kay Dean, alam naming marami pa ang mga biktimang katulad ni Cathy ang ayaw lumantad, tahimik na nagdurusa.
Sigurado rin ang BITAG na may mangilan-ngilang Dean tulad ni Dean Alexander Rible, mga propesor at guro na ang trabaho ay mag-alok ng Kuwatro o Kuwarto sa kanilang mga estud-yante.
Eto ‘yung ginagamit nilang patibong para mahulog sa kanilang bitag ng pananamantala ang sinumang gustuhin nilang biktima.
Isa na sa mga adbokasiya ng BITAG na matuldukan ang mga kasong tulad nito at maparusahan ang ilang mapagsamantala sa kapangyarihang Dean, propesor at guro man.
Magsilbi sanang aral sa mga kinauukulan ng bawat eskuwelahan, paaralan, unibersidad at kolehiyo ang kinasangkutan ng kaso ni Dean Rible.
Sa iba pang biktima, huwag mag-alinlangang maki-pag-ugnayan sa BITAG. Bukas ang aming tanggapan.
- Latest
- Trending