Sabwatan sa CASA
HINDI nagsisinungaling ang mga ebidensiyang naidodokumento ng aming mga camera. Dito, nahuhulog sa BITAG ang mga iligal na aktibidades.
Makailang beses na nagsagawa ng surveillance ang BITAG upang makumpirma ang impormasyon ng isang asset hinggil sa isang casa sa Caloocan City.
Dalawang bahay ang umano’y binabahayan ng mga menor-de-edad na prosti mula pa sa mga probinsiya sa Visayas, Bicol at Quezon.
Ayon sa asset na pinangalanan naming si Rosanna, bawat bahay, may 17 hanggang 20 menor-de-edad. Eksklusibo umanong dinadala ang mga babaeng ito sa mga Chinese na kostumer na naka-check in sa Binon- do Suite Hotel.
Nakumpirma namin ang sumbong sa pamamagitan ng dalawang Tsinong undercover na pinakawalan ng BITAG.
Sa ilang beses na surveillance, mismong mga guwardiya pa ng hotel ang naghahatid sa bugaw at sa mga batang babae paakyat sa kuwarto ng mga kostumer na Tsino.
Kitang-kita rin kung gaano kapamilyar ang mga sekyu sa mga menor-de-edad na inilalako sa kanilang hotel.
Walang pakundangan kung paluin nito ang puwetan at hawakan ang dibdib ng mga babae sa kanilang pakiki-pagharutan. Ibig sabihin, posibleng may sabwatan ang mga empleyado ng hotel sa mga bugaw at may-ari ng casa dahil malayang nakakalabas-masok ang mga biktima sa kanilang hotel.
Natumbok ng aming grupo ang pinanggagalingan ng mga batang babae subalit sa isang apartment lamang ito lumalabas mula sa Caloocan.
Malinaw na ito ay isang kaso ng human trafficking. Kaya naman sa mga naunang kasong tulad nito, ang aming la-ging nilalapitan ang National Bureau of Investigation- Anti Human Trafficking Division ang muli naming nilapitan.
Naging matagumpay naman ang entrapment operation sa bugaw at pagsagip sa mga menor de edad na idiniliber sa Binondo Suite Hotel.
Subalit nag-alinlangan sa umpisa ang ikalawang grupo ng NBI-AHTRAD na ituloy ang rescue operation sa target na bahay dahil hindi umano namataan na lumabas ang mga babaeng dinala sa hotel sa binabantayan naming babae.
Dito, nanguna ang barangay officials ng nasabing lugar at representante ng Department of Social Welfare and Development- National Capital Region na silipin ang bahay na aming target.
Kumpirmado, katatakas lamang ng mga menor-de-edad at ilang tauhan ng casa. Mainit pa ang mga pagkaing kaluluto lamang. Nandoon pa rin ang mga gamit ng mga biktima.
Sa liit ng mga damit na makikita sa mga kuwarto, sigurado ang BITAG, NBI-AHTRAD at DSWD na mga menor de edad ang may-ari ng mga nasabing gamit.
Nasampahan na ng kasong human trafficking ang bugaw na na-entrap sa hotel, samantalang nagsasagawa na ng imbestigasyon ang NBI-AHTRAD upang matukoy ang may-ari ng casa na umano’y isa ring Chinese na si Hong-hong o Kevin Kian.
Nasa poder pa rin ng DSWD-NCR ang tatlong menor-de-edad na nasagip sa hotel at manana- tili sila dito hangga’t hindi nata-tapos ang kasong ito.
- Latest
- Trending