Local Film Industry Development Act ni Jinggoy
ANG aking anak na si Sen. Jinggoy Ejercito Estrada ay nananawagan sa kanyang mga kapwa mambabatas na suportahan ang inihaing Senate Bill No. 2549 (Local Film Industry Development Act of 2010) na naglalayong palakasin ang industriya ng pelikulang Pilipino. Itinatadhana ng Konstitusyon ang pagpapalawak ng freedom of expression at ng arts and culture na magtataguyod naman ng pag-unlad ng lipunan, pagmamahal sa bayan, at ibayong magpapakilala ng ating bansa sa international community.
Alinsunod sa panukala, pangunahing magsusulong ng naturang mga layunin ay ang lilikhaing Philippine Film Commission (PFC) bilang reorganisasyon ng kasalukuyang Film Development Council of the Philippines (FDCP). Ang PFC ay may walong regular members na may direktang kaalaman sa industriya, tulad ng Directors’ Guild of the Philippines, Inc; Nagkakaisang Manggagawa ng Pelikulang Pilipino; Mowelfund; Actors’ Guild of the Philippines, Inc.; National Cinema Association of the Philippines; akademya; local film producers; at Independent Film cooperative.
Makakatuwang naman nila bilang ex-officio members ng PFC ang mga pinuno o official representatives ng Departments of Trade and Industry; Education; Tourism; Foreign Affairs; Interior and Local Government at Department of Finance, gayundin ng Film Academy of the Philippines; Cultural Center of the Philippines at ng Cinema Committee of the National Commission for Culture and the Arts.
Ilan sa mga hakbangin ng PFC ay ang mga sumusunod:
1. Pag-coordinate ng lahat ng programa at inisyatiba ng mga pribadong grupo at ahensya ng pamahalaan na may kinalaman sa industriya ng pelikulang Pilipino;
2. Pagpapatupad ng “incentive and reward system” para sa mga gumagawa ng de-kalidad na pelikula.
3. Partisipasyon sa mga film festival sa loob at labas ng bansa.
4.Pag-promote at pag-market ng pelikulang Pilipino sa lahat ng sulok ng ating bansa at sa ibayong-dagat.
5. Pagtitiyak ng maayos na suweldo at benepisyo ng mga manggagawa sa industriya, at implementasyon ng programa para sa tuluy-tuloy na pag-unlad ng kanilang kaalaman at kasanayan.
Nawa ay maisabatas ang panukalang ito ni Jinggoy.
- Latest
- Trending