Naisahan ang mga pirata!
Kadalasan ay napag-uusapan ang mga kahirapan ng mga OFW mula sa kanilang mga amo sa Gitnang Silangan. Pero nakakalimutan natin ang ating mga mandaragat na naninilbihan sa iba’t ibang mga barko sa buong mundo. Magagaling ang ating mga mandaragat, kaya sila laging hinahanap ng mga kumpanya. Mga masisipag, marunong mag-Ingles, at tapat sa trabaho. At kailan lang ay mga magagaling rin mag-isip sa peligrosong sitwasyon.
Isang barko na tinatauhan ng mga Pilipinong mandaragat ay naligtas na makuha ng mga piratang Somali dahil naisahan nila ang mga pirata! Nang maging tiyak na ibibihag sila ng mga pirata, agad silang tumawag sa mga kalapit na barko, pinatay nila ang gatong ng barko, pinutol nila ang kuryente sa pinaka kontrol ng barko at nagtago sa isang ligtas na silid para hindi sila mabihag ng mga pirata. Nang maging malinaw na walang magagawa ang mga pirata para paandarin ang barko at dalhin sa teritioryo nila, iniwan na lang. Ligtas ang mga tauhan, ligtas ang barko sa danyos! Kaya rekomendado sa lahat ng barkong lumalakbay sa delikadong Gulf of Aden, na lagyan ng mga “panic room” ang kanilang mga barko para sa mga tauhan nila. At sundan ang ginawa ng mga tauhan ng M/V Beluga Fortune na lumpuhin muna ang barko bago magtago sa nasabing silid.
Di ko rin maintindihan kung bakit nakakapagpatuloy pa ang mga pirata sa Somalia? Alam naman ng lahat ng gobyerno kung nasan sila, bakit hindi pa todasin? Ilang milyon ang nawawala kapag may nabibihag na mga barko at tauhan ang mga pirata! Ilan ang nabibihag ng mga iyan, kasama na ang mga Pilipino! Lantaran ang ginagawang krimen ng mga pirata, na nakakumpol sa isang baybaying-siyudad sa Somalia. Umaapaw ang pera at kayamanan dito. Mga halos barong-barong na mga bahay ay may mga nakaparadang mga mamahaling sasakyan katulad ng Porsche Cayenne at Mercedes ML350! Naninilaw sa gintong suot ang mga lider ng mga pirata! Dito rin nakabihag ang mga mandaragat, at naka-angkla ang mga barko ng mga kumpanyang hindi pa nagbabayad ng ransom. Kung noon ay nagpunta ang mga sundalo ng Amerika sa Somalia para hulihin ang isang warlord, bakit hindi nila magawa ngayon para patigilin na ang pamimirata ng mga ito? Takot na ba sila dahil sa nangyari sa Mogadishu kung saan nakaladkad sa kalye ang katawan ng dalawang sundalong napatay ng mga Somali? Siguro kung mga sundalo lang natin ang may mga kagamitan na hawak ng mga Amerikano, baka tapos na ang problemang iyan, at wala nang peligro para sa mga Pilipinong mandaragat!
- Latest
- Trending