EDITORYAL - Krimen ay tumataas, nasaan ang parak?
SABI ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Raul Bacalzo, bumaba raw ang mga nangyayaring krimen. Pero kung ang pagbabasehan ay ang mga report, walang katotohanan ang sinabi ng PNP chief. Paano’y kaliwa’t kanan ang mga nangyayaring krimen sa kasalukuyan. Hindi mapigilan ang pagsalakay ng mga masasamang loob at magaan din silang nakalulusot sapagkat walang pulis na nakabantay. Dumarating lamang ang pulis kapag nakatakas na ang mga kriminal.
Maraming nangyayaring pag-ambush sa kasalukuyan at walang anumang nakatakas ang salarin. Si Vice Mayor Luisito Caraang ng Licab, Nueva Ecija ay inambus ng dalawang kalalakihan. Hanggang ngayon wala pang development sa pagpatay. Si Arnulfo Callos, konsehal ng San Isidro. Abra ay pinatay sa isang commercial center sa Bangued. Hindi pa nahuhuli ang bumaril. Si Aquilino Gutierrez, kandidato para sa barangay kagawad sa Candelaria, Quezon ay binaril din at napatay.
Mayroong kinikidnap at pinapatay. Ang negos-yanteng si Conchita Tan, 73, ay kinidnap ng mga armadong kalalakihan sa Cotabato City. Ang kanyang driver at bodyguard ay pinatay. Si Carol Day, isang businesswoman mula sa Hong Kong ay inireport na nawawala noon pang Setyembre at hanggang ngayon ay hindi pa nakikital. Pinaniniwalaang siya ay kinidnap. Huling nakita ang businesswoman sa kanyang studio sa Makati City.
Sunud-sunod ang mga nangyayaring gang rapes. Pinakamatindi ang pangre-rape sa isang nurse volunteer sa Upi, Maguindanao sapagkat tinangka pang patayin matapos gahasain. Pinukpok ng bato sa mukha at sa kasalukuyan ay hindi pa makausap nang maayos dahil sa kalubhaan ng tinamong pinsala. Umano’y anak ng mga maimpluwensiyang tao sa Upi ang mga may kagagawan.
Maraming sasakyan ang naka-carnap. May naka-carnap sa Quezon at sa Maynila. Noong Linggo, isang bagumbagong Toyota Hilux ang kinarnap habang nakaparada sa tapat ng bahay ng may-ari sa Vicente Cruz St. Sampaloc, Manila. Tinutukan ng baril ang drayber at saka walang anumang itinakas ang sasakyan. Kamakailan lang, isang Mitsubishi Montero ang kinarnap sa Felix Huertas St. Sta. Cruz. Hanggang ngayon, hindi pa nababawi ang mga sasakyan.
Maraming krimen ang nagaganap sa bansa. Nasaan ang mga parak?
- Latest
- Trending