Problema ng sasakyan sa Mitsubishi-Pasig
NAGSADYA sa Land Transportation Office (LTO) sa San Juan City si Marikina councilor Elmer Nepomuceno para i-renew ang rehistro ng Strada GLS Sports na nabili niya sa Mitsubishi Branch-Pasig City noong 2007. Nagulat si Nepomuceno nang sabihan siya ng LTO employee na hindi nakarehistro ang sasakyan niya. Nagtaka si Nepomuceno dahil alam niya, bayad na siya sa kanyang sasakyan na may plakang EBN-55.
Nagsadya siya sa Mitsubishi-Pasig para kumprontahin ang manager na si Louie Acosta. Inamin ni Acosta ang pagkukulang nila at nangako itong aayusin niya ang problema. Subalit mag-aapat na buwan na naghihintay si Nepomuceno para maayos ang problema ng sasakyan niya subalit hanggang ngayon wala pa siyang balita sa Mitsubishi-Pasig. Nagagamit pa rin ni Nepomuceno ang sasakyan niya. Kaya lang palaging may nerbiyos siya at baka mahuli ng MMDA, LTO o anumang ahensiya ng gobyerno dahil matagal nang paso ang rehistro nito.
Nabili ni Nepomuceno ang sasakyan niya ng P1.4 milyon noong 2007. Tatlong taon ang rehistro ng sasakyan niya ayon na rin sa patakaran ng LTO. At sa pagtatanung-tanong niya, napag-alaman ni Nepomuceno na hindi lang siya ang may ganitong uri ng problema sa Mitsubishi-Pasig.
Sina Grace Padilla at Cheryll Nosa ay ganito rin ang dinanas sa Mitsubishi-Pasig. Nabili ni Padilla ang kanyang Outlander GLS na may plakang GFP 77 noong 2007 ng P1.6 milyon. Si Nosa naman ay ang Pajero na may plakang WIN 18 ng P1.8 milyon at ang Montero Sports na may plakang HJN 13 ng P1.8 milyon noong 2008. At tulad ng sasakyan ni Nepomuceno, hindi rin nakarehistro ang mga sasakyan nina Padilla at Nosa sa LTO. Nagtataka naman si Nepomuceno at mga kaibigan niya kung bakit hindi na-follow up ng Mitsubishi-Pasig ang rehistro ng mga sasakyan nila. Samantalang bayad naman sila sa P25,000 na special plates ng mga ito.
Wala namang plano na magsampa ng reklamo ang grupo ni Nepomuceno. Ang kanila lang ay ayusin ni Acosta sa madaling panahon ang rehistro ng sasakyan nila sa LTO sa pangambang masangkot sila sa disgrasya at tiyak abot-langit ang gagastusin nila. Ang puna lang nila, mabagal kumilos si Acosta para ayusin ang gusot na ang kompanya niya ang me kagagawan.
- Latest
- Trending