Suweldo, bonus, allowance at iba pa
SA pagkakaalam nang marami, mababa magpasahod ang gobyerno. Kaya kung nakapagtapos ka rin lang ng kolehiyo, ang hahanapin mong trabaho ay hindi sa gobyerno kundi sa pribadong sektor. Pero dahil ngayon lang inihahayag ang mga suweldo ng ilang opisyal ng gobyerno, nagbabago na ang paniniwalang iyon. Nitong mga nakaraang linggo, nalagay sa mga pahayagan at TV ang napakalaking kinikita ng mga opisyal at empleyado ng MWSS. Pasuweldo at bonus na gumulat at nakadismaya sa maraming tao.
Ayon sa COA, hindi lang sa MWSS mataas ang mga suweldo at benepisyo. Noong taong 2009, ang pinakamataas na suweldo at benepisyo ay natanggap ng administrator ng Subic Bay Metropolitan Authority — P26.865 milyon sa isang taon, o mga P2.239 milyon bawat buwan! Agad naman dumepensa si Armand Areza, na ang kanyang nauuwing sahod ay nasa P95,000 lang. Ang sobrang halaga sa kanyang suweldo at bonus ay napupunta sa mga “extraordinary at miscellaneous expenses” daw. Kayo na lang ang mag-isip kung ano yung mga gastusin na iyon. Ayon pa sa kanya, napupunta raw ang bulto ng halagang ito sa mga promotion, advertising at representation. Wala raw napupunta sa bulsa niya. Kaya kung kumakain siya sa mga mamahaling lugar, o kahit na sa isang karinderia lang sabay miting, hindi nga napupunta ang pera sa bulsa niya kundi sa tiyan niya. At kung hindi naman siya ang naglalabas ng pera para sa pananghalian niya, eh di nakatipid siya ng perang nasa bulsa na niya. Kapag bumiyahe, libre na pala ang gastusin sa ibang bansa dahil puwedeng “representation expenses” lahat iyon. Sa “representation expenses” lagi napupunta ang bulto ng anumang gastusin, dahil tila madaling ipagtanggol kung sakaling may mga-kwestyon. Tulad ngayon. Kahit saan tingnan, malaki ang P2.239 milyon na kontrolado ng isang tao, kada buwan. Ang tanong, nakalista ba kung saan napunta lahat ng perang iyan, para makita natin kung saan kumakain ng pananghalian o hapunan ang mga opisyal?
Marami pang nakalista na empleyado ng gobyerno sa ulat ng COA. Mga opisyal ng Clark Development Corporation, DBP, BSP, LBP, SSS, Bases Conversion and Development Authority (BCDA). Mga korporasyong pinatatakbo ng gobyerno. Tiyak ipagtatanggol nila ang kanilang mga suweldo, bonus at allowance, na hindi naman napupunta lahat sa bulsa nila. Pero hindi iyon ang punto. Sa sitwasyon ng bansa, tama ba ang ganyang suwelduhan ng mga opisyal na nagtatrabaho sa gobyerno?
Ngayon, ikumpara ito sa katatanggap na unang sahod ni President Aquino na P62,003. Nangako siya na walang itatago sa mamamayan at lilinisin ang gobyerno at magiging bukas sa publiko ang anumang gagawin nila.
- Latest
- Trending



















