Editoryal - 'Ningas-kugon' sa paghihigpit
NAGHIHIGPIT na naman ang mga awtoridad. Meron na naman kasing pambobomba. Kung kailan may sumabog na at may mga namatay at nasugatan saka maghihigpit. Binubusisi ang lahat nang mga papasok sa establishment, malls, airport, at baka raw may makalusot. Baka raw may makapagpasok ng bomba. Isang malaking katatawanan ito sapagkat sino naman ang magpapasok ng bomba kung naghigpit na ang mga guwardiya. Nasa tama ba ang pag-iisip ng mga nagmamantini ng seguridad lalo sa airport na madalas puntiryahin?
Sa naganap na pagsabog sa Zamboanga City International Airport noong Huwebes kung saan dalawa ang namatay at 24-katao ang nasugatan, todong paghihigpit ng seguridad ngayon. Naganap ang pagsabog dakong 6:20 ng gabi at ilang minuto lamang ang nakalilipas mula nang dumating ang Philippine Airlines flight mula sa Maynila. Nangyari ang pagsabog sa labas ng arrival area. Nagkalasug-lasog ang katawan ng isang lalaki na hinihinalang may dala ng bomba. Isa sa mga nasugatan si Sulu Governor Abdusakur Tan. Nasugatan siya sa tagiliran. Ayon kay Tan, siya ang target ng pambobomba. Alam na raw niya kung sino ang may kagagawan niyon at nakahanda raw siyang harapin ang mga ito.
Ang pangyayari ay nagpapakita lamang na may kaluwagan ang seguridad sa nasabing airport. Paano nakalusot ang bomba? Hindi ba’t kinakapkapan at binusisi ang dala-dalahan ng mga papasok sa airport? Hindi ba’t sa airport ay may mga sniffing dogs na ginagamit para malaman kung may bomba?
Kapabayaan na naman. Naging maluwag na naman. Ngayon naghihigpit pagkaraan ng insidente. Kakatwa ang nangyayaring ito. Ningas-kugong paghihigpit. Paulit-ulit lang ang ganitong pangyayari.
- Latest
- Trending