Si PAPA..
SI Papa, isang masigasig at matatag na sundalo. Kahit gaano kahirap ang trabaho, at kung minsan ay napapahiwalay sa pamilya ay kinakaya pa rin niya. Ginagalang ninuman. Si Papa, isang medyo istrikto ngunit mabait na ama sa aming magkakapatid. Uunahin ang kapakanan ng anak bago sarili. Si Papa, isang masasandalang asawa. Kahit kailan ay hindi pinabayaan at iniwan si Mama.
Si Papa, isang magaling na cook. Masarap magluto ng kaldereta at iba’t ibang pagkaing Pinoy. Si Papa, isang matagumpay na ama. Nakapagpatapos ng limang anak. Ngunit higit sa lahat, si Papa, isang positibo at simpleng tao. Mapagbirong kapitbahay at kaibigan.
Maraming hirap na ang kanyang dinanas. Mga sakripisyong ginawa upang maging isang mabuting padre de pamilya. Maituturing kong tunay na haligi ng tahanan. Matibay na pundasyon ng aming pamilya at makakapitan sa gitna ng mga unos na dumarating sa aming buhay. Yan si Papa!
Sa lahat ng ito, tunay kong ipinagmamalaki ang aking ama. Hindi man kami mayaman subalit umaapaw naman ang pagmamahal ng aming magulang. Maraming salamat sa lahat Pa, sa lahat ng sakripisyo at hirap upang makapag-aral kami. Sa mga pangarap mo para sa amin. Alam kong isang malaking tagumpay sa iyo ang lumaki kami ng maayos at magkaroon na ng magandang trabaho.
Hindi ko man madalas sabihin na mahal ko kayo, gabi-gabi nama’y pinagdarasal ko sa Diyos na ikaw po ay gabayan. Alam kong hindi ito ang tamang lugar upang sabihin ko ito pero gusto kong ipaalam sa lahat ng makababasa nito kung gaano ko kayo kamahal. Nais kong sa pamamagitan ng artikulong ito maipahayag ko kung gaano ako ka-proud sa iyo.
Papa, muli taos puso kaming nagpapasalamat sa iyo at mula sa aming magkakapatid at ni Mama mahal na mahal ka namin Papa Dong! At kung papipiliin muli ako kung sino ang magiging tatay ko,ikaw pa rin ang pipiliin ko. Wala nang iba!
* * *
Si Mary Joy ay fourth year Journalism sa PUP. Ang kanyang e-mail: [email protected]
- Latest
- Trending