Benefit of the doubt for Justice Velasco
BAGAMA’T si Justice Presby Velasco ay nabanggit sa bestseller na aklat ni Marites Vitug na “Under the Shadow of Doubt”, binibigyan ko pa rin sya ng “benefit of the doubt”. Ayaw ko siyang husgahan dahil nakabinbin pa rin sa kamay niya ang kaso (Seneres vs. Comelec) ng anak kong si two-termer Buhay party list Congressman Christian Señeres ng tatlong taon na.
Mukha yatang sinasadya ni Justice Velasco na ma-ging moot and academic ang kasong ito dahil patapos na sa June 30 ang termino ng 14th Congress (2007-2010) kung saan si Christian sana ay nanungkulan pa para sa kanyang 3rd and last term. Ang issue ay simple lang: Sino ba ang may karapatang mamuno ng Buhay at magtalaga ng mga nominees nito? Si Mel Robles ba na spokesman ng El Shaddai ni Bro. Mike Velarde at pangulo ng Buhay party list at concurrently Administrator pa ng Light Rail Transit Authority o si Christian ba na two-term congressman at Secretary-General ng Buhay?
Para kasi sa 2007 elections, sa utos ni Bro. Mike, pa-traidor na hindi isinama si Christian bilang official nominee ng partido. Pero dahil Secretary-General din naman si Christian ng partido, ini-nominate niya ang sarili niya at dalawa pang ibang kasamahan niya.
Nagpasya ang Comelec na pabor kay Robles kahit maliwanag na bawal sa Saligang Batas ang katulad ni Robles na isang public official (isang Usec) na mag-participate sa “partisan politics”. Kaya umapela si Christian sa Korte Suprema noong Mayo pa ng 2007. Hanggang ngayon, hindi pa rin tapos ang paghuhusga ng kaso kahit napaka-simple ng issue.
Bilang isang abogado, alam kong walang ibang magawa si Velasco kundi magpasya para sa panig ng anak ko. Kaya naman inuupuan niya ang kaso upang ito’y maging moot and academic na lamang. Kapag nagkataon impeachment ang ibabanat ng anak ko laban sa “under the shadow of doubt” na mahistradong ito. Halata kasi masyado ang bias niya para sa grupo ni Mike Velarde, dahil inindorso siya nito kay Mrs. Gloria Arroyo na maging justice ng Supreme Court. Dapat nag-inhibit na siya mula’t sapul pa.
Mr. Justice, hanggat patuloy pa ang juridical existence ng Buhay party list ang issue kung sino ang tunay na leader nito at kung sino ang may karapatang mag-nominate ay hindi pa maaring maging moot and academic. Hindi ito nakasalalay sa termino ng 14th congress. Wala naman itong pagkakaiba sa mga intra-party disputes ng mga private corporation. Kayat kahit sa Hulyo nagpasya ang Korte Suprema na si Christian ang lehitimong leader na may karapatang magtalaga ng nominees, puwede nya i-retain o di kaya ay palitan ang mga nominees na mga bata ng boss ni Mel Robles na si Bro. Mike Velarde.
- Latest
- Trending