Mga problema ni Noynoy
Nagsitaasan ngayon ang presyo ng mga plane tickets mula sa United States hanggang sa Pilipinas. Sa katunayan nga, may mga airlines na ubos na ang mga tickets patungong Pilipinas dahil sa dami ng mga Pinoy sa Amerika na dadalo sa inauguration ni President-elect Noynoy Aquino. Sinabi ng mga ito na gusto nilang maging saksi sa panunumpa ni Noynoy na gaganapin sa June 30 sa Quirino Grandstand. Nais nilang marinig ng personal na banggiting muli ang kanyang mga pangako na babaguhin ng bagong presidente ang hindi magagandang kaugalian at mga masasamang nangyayari sa Pilipinas.
Niliwanag ng mga Pil-Ams na wala silang interes na makipag-agawan na makakuha ng anumang posisyon sa administrasyon ni President Aquino. Tama na ang makita nila na ang mga mapipiling makapagtrabaho sa papasok na gobyerno ay pawang mga kuwalipikado at mga nararapat sa kanilang mga tungkulin hindi dahil sa pulitika o palakasan. Hindi pa natin alam kung ano ang plano ng mga tauhan ni President Aquino papalitan nila ang mga tauhan ng dating administrasyon. Kapag nagkataon, libu-libong tao ang kasama sa mga paiikutin.
Sa mga tauhan pa lamang, malaking problema na kaagad sa administrasyon ni Noynoy. Sa ngayon, ang nagbibigay sa sakit ng ulo ng bagong presidente ay kung sinu-sino ang mga pipiliin niya sa kanyang Gabinete. Nariyan ang pagtatampo ni Vice-President-elect Jojo Binay dahil sa matagal na niyang sinasabi nang deretsuhan ang kanyang kagustuhan na mai-appoint bilang DILG Secretary. Subalit, ilang ulit na ring naipahiwatig ni President Noynoy na marami siyang kandidato para sa nasabing posisyon..
Isa lamang ang problemang ito kay Binay. May balita na patuloy ang papelan at pagandahan ng record na kung hindi man deretsong ipinapakita kay Noynoy ay pilit na ipiniprisinta sa search committee. Siyempre, dahil si President Noynoy pa rin ang siyang may huling desisyon, ang lahat ng problema ng pamimili ay siguradong sa kanya pa rin tatambak. Sa kasalukuyan, kabibigay lamang kay president-elect Noynoy ang suliranin tungkol sa kung paaalisin at papali-tan ang mga tauhan na matagal nang nagtatrabaho sa Malacañang Palace. Libo rin ang mga ito.
Isang problema pa rin na dapat harapin ni President Noynoy, ay kung magpapa-sok siya ng kamag-anak o mga dating tauhan ng kanyang inang si President Cory o mga dating tauhan ni GMA. Duon sa mga wala pang kamalay-malay noong Cory Regime, marami sa mga kamag-anak at mga malalapit na kaibigan ni Cory ang aktibo sa administrasyong Cory at maimpluwensiya dito. Marami ring mga kamag-anak at malalapit sa mga Aquino ang tumulong sa kampanya ni Noynoy. Marami ring mga dating tauhan ni GMA ang puspusang tumulong kay Noynoy. Napakarami pang mga problemang kinakaharap si President-elect Noynoy. Tingnan natin kung ano na ang kahihinatnan ng mga ito.
- Latest
- Trending