Rabies
Dear Dr. Elicaño, meron po kaming alagang tuta. Ibinigay ito ng aming kapitbahay. Anak ng askal (asong kalye) ang tuta. Problema ko po ay ang aking anak na lalaki na tatlong taong gulang ay laging nilalaro ang tuta. Laging kinakarga at kung anu-anong ginagawa sa tuta. Natatakot ako na baka makagat siya nito dahil matatalas na ang mga ngipin ng tuta. Hinihimuran din siya tuta. Ano po ba palatandaan na may rabies. Ano naman ang sintomas kung may rabies? —MRS. NELIA MAMPOSTE, Pila, Laguna
Nararapat ingatan mo ang iyong anak at baka makagat o mahimuran ng tuta. May rabies ang tuta kaya dapat ay pag-ingatan. Hindi lamang tuta o aso ang may rabies kundi pati pusa, daga at paniki.
Ang virus ay nasa laway ng aso at iba pang hayop at naililipat sa pamamagitan ng pagkagat o paghimod. Naglalakbay ang rabies mula sa bahaging nakagat sa pamamagitan ng ugat at nagtutungo sa spinal cord paakyat naman sa ulo hanggang sa humantong sa utak. Dadami ang virus kapag nasa utak at saka magma-migrate sa salivary glands.
Ang sintomas na mayroong rabies ang biktima ay lumalabas makaraan ang 20 hanggang 30 araw makaraang mai-transmit ang virus. Ang biktima ay karaniwang makikitang maysakit, hindi mapakali at mentally depressed. Hindi makontrol ang kanyang excitement at makikita ang pag-agos ng kanyang laway. Bukod sa maraming laway na lumalabas, makararanas din ng pananakit ng lalamunan ang biktima.
Kapag nakakagat ang alagang aso, dapat itong ikulong at obserbahan. Kapag sa loob ng 10 araw at nanatiling malusog ang hayop, ibig sabihin wala siyang rabies. Karaniwan nang namamatay ang asong may rabies makaraan siyang makakagat.
Tandaan na kapag nakagat ng aso, linisin ang bahaging nakagat. Sabunin nang ayos ang sugat gamit ang malinis na tubig. Dalhin sa doktor kung saan ay dapat maineksiyunan ng para sa rabies na tinatawag na immunoglobin.
Hindi dapat ipagwalambahala kapag nakagat ng aso o hayop. Marami na akong nakitang biktima ng rabies na hindi ipinagamot at ang resulta ay pagkamatay sa loob ng tatlong araw o dalawang linggo.
- Latest
- Trending



















