Romulo Neri ng NBN/ZTE
KAWAWANG Romulo Neri, presidente ng SSS, dating hepe ng NEDA na nagsiwalat ng tangkang pagsuhol ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos Sr. sa kanya ng 200 milyong piso, para aprubahan ang NBN/ZTE deal. Isang napakalaking anomalya na muntik nang pasukan ng gobyerno sa ilalim ni President Gloria Arroyo. Kinasuhan at pinaaaresto na sina Neri at Abalos ng Sandiganbayan dahil sa nabanggit na kaso. Pero nilalabanan ni Neri ang Sandiganbayan, at dumadaing na siya’y “scapegoat” lamang. “Scapegoat” nino? Bakit hindi pa niya deretsong sabihin?
Sinayang ni Neri ang pagkakataon. Siniwalat lang niya ang panunuhol ni Abalos, pero wala siyang binanggit sa mag-asawang Mike at Gloria Arroyo ukol sa NBN/ZTE deal, sa kabila ng pagbanggit sa kanila nila Joey De Venecia at Jun Lozada. Kaya walang naniniwala sa kanya na walang sala ang Unang Pamilya. Ang mga ganyang kalalaking transaksyon ay siguradong hindi lumalampas sa kaalaman ng Palasyo. Kung sinabihan niya si President Arroyo ukol sa tinangkang pagsuhol sa kanya ni Abalos, bakit walang man lang ginawa si Arroyo kay Abalos? Dito pa lang ay marami nang tanong.
Ngayon, si Neri at Abalos ang iniipit ng Sandiganbayan. Silang dalawa ang pinipisil ukol sa naunsyaming transaksyon. Si Neri at si Abalos ang nakitaan ng sala, kinasuhan at pinaaaresto. Paano na ang mga nasa Palasyo? Inabsuwelto ng Sandiganbayan, sa halip ng testimonya ni Joey De Venecia, Jun Lozada, pati na mga larawan na nagpapakita na kasama nila ang mga opisyal ng ZTE sa China. Lahat iyan ay walang bigat, di tulad ng mga ebidensiya laban daw kina Neri at Abalos.
Ganun talaga kapag alipores lang. Ganun talaga kapag nilalaglag. Paalis na ang mga nakatira sa Palasyo ng siyam na taon, bagama’t lumilipat lang ng bahay ang pangunahing nanirahan doon. At si Neri, na nagsiwalat nung suhol, kawawa nga naman. Pero siya naman ang namili ng kanyang mga kakampi, siya naman ang nag-ukit ng kanyang tadhana, siya naman ang nagpalipas ng oportunidad na maging dakila. Kaya mag-isa na siya ngayon.
- Latest
- Trending