Moving on
Ngayong napagpasiyahan na ng Mataas na Hukuman na maaring magtalaga ang Pangulo ng kapalit ni Chief Justice Reynato Puno, kailangay paghandaan na ang hihiranging kapalit. Batay sa mga interbyu ng Judicial and Bar Council (JBC), alinman sa mga sumusunod ang maaring maging bagong Chief Justice: Supreme Court Associate Justices Renato Corona, Teresita De Castro, Arturo Brion at Sandiganbayan Presiding Justice Edilberto Sandoval.
Bawat isa sa mga nominadong ito ay may sapat na Ga-ling at Talino upang hiranging Punong Mahistrado. Maliban sa kanilang kagulagulantang na academic records, lahat sila’y may karanasan na sa posisyong ehekutibo: Sina Corona at Brion ay naging miyembro ng Gabinete, habang sina De Castro at Sandoval ay pinamunuan na ang higanteng Sandiganbayan.
Hindi pa malaman sa ngayon kung magagampanan nila ng mahusay ang katungkulan ng ikalimang pinakamataas na opisyal sa Pamahalaan. Walang kokontra sa obserbasyon na ang kanilang papalitang Hepe, ang respetadong si CJ Puno, ay nakapaghatid sa bansa, sa Hudikatura at sa kanyang posisyon ng higanteng karangalan. Ang kanyang rekord ay magandang sakdalan upang magpursigi ang hihirangin.
Wala nang maidudulot na kabutihan ang patuloy na paglapastangan sa Korte sa kasong ito. Tutoo na ang ating mga institusyon ng pamahalaan ay patuloy na magkakabisa lamang kapag buo ang tiwala ng taong bayan sa mga ito. Sa lahat sa kanila, ang Mataas na Hukuman ay naiiba. Di tulad ng ehekutibo at lehislatibo na parehong binabatay ang mga desisyon sa kiliti ng nakararami, ang hudikatura bilang institusyon ay inaasahang, sa lahat ng oras, titingin lang lagi sa merito ng argumento. Wala itong allowance na kumiling sa kung anomang posisyon ang mas popular o kung saan sila hindi paghihinalaan.
Kaya naman ang saligang batas ay gumawa ng kung anu-anong paraan upang masiguro na ang ating mga mahistrado ay independiente at hindi basta basta magpapatangay sa agos ng panahon. Hindi sila kailangang maya’t mayang humarap sa botante tulad ng mga pulitiko. Habang maaga’y dapat alalahanin ang katotohanang ito upang mas madaling mapanatag ang ating kalooban sa integridad ng ating mga Hukom.
- Latest
- Trending