EDITORYAL - Ano ang aasahan sa SONA?
SA magaganap na State of the Nation Address (SONA) ni President Ferdinand Marcos Jr. ngayong araw na ito, hindi sapat ang magagandang numero, bagong slogan, at listahan ng natapos na proyekto. Nasa huling bahagi na ng kanyang termino ang administrasyon. Mas kaunti na ang puwang para sa pangako, at mas mabigat na ang hinihinging paliwanag.
Ang tanong ng publiko ay simple: gumaan ba ang buhay?
Kung sasabihing lumago ang ekonomiya, bakit mahal pa rin ang pagkain? Kung ipagmamalaki ang upper-middle income status, bakit marami pa ring manggagawa ang kapos ang sahod? Kung may mga investment at proyekto, bakit marami pa ring naghahanap nang maayos at matatag na trabaho?
Hindi masama ang maglahad ng accomplishment. Bahagi iyon ng SONA. Pero hindi dapat doon matapos ang usapan. Kailangang sagutin ng Pangulo ang mga pangakong hindi pa ramdam ng ordinaryong Pilipino, mula sa murang bigas, disenteng sahod, trabaho, hanggang sa presyo ng kuryente na patuloy na nagpapabigat sa buwanang gastos.
Pinakamabigat pa rin ang usapin ng korapsiyon. Noong nakaraang SONA, malakas ang mensahe laban sa mga sangkot sa flood control scandal. Ngayon, ang hinihintay ng publiko ay hindi na sermon. Ang hinihintay ay resulta. Sino ang kinasuhan? Sino ang nanagot? Sino ang nakulong? At bakit tila may mga pangalang mabilis habulin habang ang iba ay nananatiling malayo sa pananagutan?
Hindi sapat ang imbestigasyon kung walang malinaw na kaso. Hindi sapat ang galit kung walang hatol. At hindi sapat ang pagsasabing walang sasantuhin kung ang nakikita ng publiko ay piling-pili ang tinatamaan.
Kailangan ding marinig sa SONA ang malinaw na plano para sa mga sektor na matagal nang napapabayaan: agrikultura, edukasyon, kalusugan, trabaho at transportasyon. Hindi puwedeng ayuda ang laging sagot sa kahirapan. Kailangan ng sistemang nagbibigay ng pagkakataong kumita, magpagamot, makapag-aral, at mabuhay nang may dignidad.
Sa West Philippine Sea, kailangang ipakita na ang diplomasya ay hindi kahinaan. Sa harap ng panggigipit ng China, kailangan ng malinaw, matatag, at hindi paliguy-ligoy na paninindigan. Hindi dapat maging entablado ng palakpakan ang SONA. Dapat itong maging harap-harapang paliwanag sa bayan.
Sa huli, hindi speech ang magpapabalik ng tiwala. Resulta ang kailangan. Pananagutan ang kailangan. At higit sa lahat, gobyernong hindi lang magaling mag-ulat, kundi kayang magpatunay.
- Latest




















