Magiging ‘earth-shaking’ nga ba ang Sona?
Ngayong Lunes, ihahatid ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kanyang ikalimang State of the Nation Address (SONA). Mataas ang inaasahan ng publiko dahil sariwa pa sa alaala ang kanyang “Mahiya naman kayo” SONA noong nakaraang taon, kung saan ibinunyag niya ang multi-bilyong pisong flood control corruption scandal at nangakong papanagutin ang lahat ng sangkot.
Isang taon na ang lumipas. Ang tanong, nabingwit na ba ang mga “malalaking isda”?
Totoo, may ilang napanagot. Kinasuhan at ikinulong ang mag-asawang Discaya, ilang opisyal ng DPWH, at sina Senador Jinggoy Estrada, Senador Rodante Marcoleta, at Bong Revilla. May warrant of arrest at Interpol Red Notice na rin laban kay dating Kongresista Zaldy Co.
Ngunit hanggang doon na lamang ba? Nasaan ang iba pang mga kongresista at senador na iniuugnay rin sa parehong iskandalo ngunit hindi naisama sa mga kaso? Lumalakas tuloy ang pananaw na selective ang kampanya kontra korapsyon at nakabatay lamang ito sa hidwaan sa pagitan ng mga Marcos at ni Vice President Sara Duterte, na ngayon ay nahaharap sa impeachment trial.
Sa usaping ekonomiya, patuloy na dinaranas ng marami ang mataas na presyo ng mga bilihin, kakulangan sa trabaho, at mga epekto ng global oil crisis. Tiyak na ipagmamalaki ng administrasyon na isa nang upper-middle-income economy ang Pilipinas, ayon sa World Bank. Maganda itong pakinggan, ngunit para sa mga manggagawang sumasahod nang mas mababa kaysa sa cost of living, hindi ito nararamdaman. Sa halip na P200 na umento, P85 lamang ang ipinagkaloob, sa NCR lang, at hulugan pa. Idagdag pa ang mataas na singil sa kuryente.
Halo rin ang rekord ng mga priority bill ng Pangulo. Naipasa ang Right to Information Bill, ngunit nananatiling walang pangil ang Anti-Political Dynasty Bill, habang nakatengga pa rin ang Party-list Reform Bill at ang Independent People’s Commission Bill.
Sa usapin ng West Philippine Sea, sinabi ni Marcos Jr. na nais niyang i-“reset” ang relasyon sa China. Ngunit ang kailangang i-reset ay ang malamyang tindig ng DFA, lalo na ang kalokohang provisional agreement nito sa China hinggil sa Ayungin Shoal.
Ayon sa Malacañang, magiging “earth-shaking” ang SONA 2026. Ngunit kung malasado ang rekord ng administrasyon, baka ang tunay na mayanig ay ang naratibo nito na marami itong nagawa.
- Latest















