Lihim na niluto ng PMI
NAG-AABANG ang BITAG hinggil sa magiging aksiyon ng Commission on Higher Education (CHED) laban sa Philippine Maritime Institute Colleges.
Ito ay dahil sa pagkakataong ibinigay ng CHED sa nasabing eskuwelahan na aksiyunan ang reklamo ng kanilang disi-siyete anyos na estudyante na biktima ng sexual harassment ng isang Dean sa PMI.
Masasabing pinatulog, may kinilingan at niluto ang im-bestigasyong ginawa ng PMI dahil sa loob ng mahigit tatlong buwan, mula Enero hanggang sa kasalukuyan, walang naging resulta ang imbestigasyon ng PMI.
Hindi rin ito nagbibigay ng report o anumang update sa CHED kung ano ang kanilang naging hakbang o resulta ng bawat prosesong pinagdadaanan ng kaso.
Kuwestiyonable para sa CHED ang pananahimik ng PMI. Kahit kasi may memorandum na ipinalabas ang CHED sa lahat ng unibersidad na magbigay ng report sa mga imbestigasyon sa kasong sexual harassment, hindi ito ginawa ng PMI.
Tila yata minamaliit lamang ng PMI ang kapangyarihan ng CHED, iniisnab ang bawat ipatupad ng nasabing tanggapan.
Kung hindi pa kasi bumalik ang BITAG kasama ang biktima at ang ina nito sa CHED, hindi malalaman na wala pang abiso ang PMI kung ano ang naging resulta ng im-bestigasyon.
Malinaw ang kawalan ng respeto at kawalan ng kurtisiya sa kapangyarihan ng CHED dito, hindi ba’t nararapat lamang na may katumbas na kaparusahan ang bawat pagkukulang, lalo na kung sinasadya ito?
Dapat sigurong maintindihan ng PMI lalo na ng mga namumuno dito ang kanilang responsibilidad, pananagutan o accountability bilang isang institusyong nasa ilalim ng CHED. Ayaw naming isipin sa BITAG na kung kaya’t palpak ang prosesong ginagawa ng nasabing eskuwelahan sa kasongs sexual harassment ay kuwestiyonable ang kakayahan ng namumuno dito.
Sapat na ang tatlong buwang pananahimik ng BITAG bilang respeto sa liham na ipinadala ng president ng PMI na si Rizabel Cloma-Santos na hindi nila kinukunsinti ang anumang gawaing sexual harassment sa kanilang eskuwelahan.
Sulat na nagsasabing mahirap itaguyod ang respetong nakamtan ng inyong institusyon at masisira ng isang problema lamang.
Subalit may nangyari ba? Para sa pamunuan ng PMI, kung gumawa kayo ng trabaho niyong tama, bida kayo. Pero dahil gumawa kayo ng trabahong palpak, aba’y malilintikan kayo ngayon!
- Latest
- Trending