Baho ng Manila's Finest Brotherhood Association
UNTI-UNTI nang pumapaimbulog ang Manila Police District (MPD) pero mayroong baho na dapat amuyin ang mga kasapi ng Manilas Finest Brotherhood Association Inc. (MFBAI). Mantakin n’yo mga suki, wala umanong maipakitang manifesto ang MFBAI kung saan napunta ang P400 monthly contribution nang may 10,000 myembro nito. Kaya’t labis ang pag-alala ng mga ito na baka dumating ang kanilang retarded este retirement eh wala silang maiuwi sa pamilya.
Maging ang ibinigay ni MPD director Chief supt. Rodolfo Magtibay na P300,000 at ni Don Emilio Yap na P500,000 para sa modernization ng gym ay kinalawang pa. Ano ba ‘yan! Lumalabas sa bawat tilamsik ng laway ng mga miyembro eh puro second hand equipment ang makikita sa naturang gym kaya kakalog-kalog tuwing gagamitin ng mga myembro. Maging ang loob ng gym ay pininturahan lamang para magmukhang bago sa paningin.
Calling MFBAI president SPO2 Antonio Emmanuel at mga opisyales na sina SPO2 Virgo Villareal, SPO2 Wifredo Figueroa, SPO2 Anacleto De Jesus, SPO4 Santiago Tan, SPO4 Alfredo Salazar, SPO3 Sesima Sisma, SPO3 David Tuazon, SPO3 Lily Olayres, SPO3 Rea Parico at SPO3 Ofel Torres. Kumilos kayo bago dumating ang eleksyon at baka maibaling sa inyong lahat ang masamang interpretasyon. Kayo rin, alalahanin ang kasabihan na “Ang pagsisisi ay laging nasa huli”. Huwag n’yong hayaan na puro satsat ang ginagawa ng masugid na director na si SPO2 Virgo Villareal sa lahat ng kanyang makakasalubong. Ala rin akong pakialam kung maging ang pangload ng inyong cell phone at resfreshment expenses ay masilip nila dahil karapatan naman n’yo ‘yan na gumastos sa bawat pagpupulong.
Umano, itong si Villareal ay abot-langit ang panawagan sa mga kapulisan ng MPD na sinisiraan lamang ng mga interesado sa puwesto. Villareal dapat kang mag-isip isip sa iyong pinangangalandakan dahil sa hirap ngayon ng buhay dapat lamang na maging transparent kayo sa mga kasapi. Maging ang P100,000 na Christmass gift ng nagdaang Pasko’y pinagdududahan din ng mga kasapi dahil ayon sa kanilang reklamo, tinatayang P50,000 lamang ang halaga ng lahat ng ipina-raffle kaya abut-abot ang kanilang paghahabol.
Aba dapat nga talagang mag-isip na ng mabuti ang mga pulis sa MPD sa isusulat nilang itlog sa darating na Marso 29 upang pagnapisa’y magiging maganda ang lahi. Dahil kung patuloy na mag-papabilog pa sila sa mga opisyales na nakalubog sa lungga ng MFBAI tiyak na mapupurnada ang kanilang kinabukasan. Tinatawagan ko si Gen. Magtibay na kung maaari, gumawa ng agarang imbestigasyon sa masalimuot na kalakaran sa MFBAI upang maiwasan ang pagkadiskaril ng samahan. Sa opisyales ng MFBAI bukas ang pahinang ito para sa inyong panig.
- Latest
- Trending