Magkumpareng Jinggoy at Pacman
ANG aking panganay na anak na si Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) re-electionist senator Jinggoy Ejercito Estrada ay isa sa mga unang nagpaabot ng pagbati sa kanyang kumpareng si Manny “Pacman” Pacquiao sa panalo laban kay Joshua Clottey. Si Jinggoy ay ninong sa binyag ng bunsong anak ni Pacman na si Queenie.
Ani Jinggoy, si Pacman ay nagbigay na naman ng malaking karangalan sa bansa at kababayang Pilipino. Talaga namang humanga at tuwang-tuwa ang mga Pinoy sa panalong ito ni Pacman kay Clottey sa pamamagitan ng “unanimous decision” ng mga judge na nagbigay sa kanya ng scorecards victory na 120-108, 119-109 at 119-109 sa 12-round. Napanatili ni Pacman ang kanyang titulo bilang kampeon ng World Boxing Organization welterweight division.
Ang naturang laban ay ika-12 na sa mga sunod-sunod na panalo ni Pacman na sinaksihan nang mahigit 50,000 katao sa Dallas Cowboys Stadium sa Texas, gayundin ng milyun-milyong iba pa sa lahat ng sulok ng mundo. Ayon kay Jinggoy, lubos niyang pinahahalagahan ang pag-imbita sa kanya ng butihing mag-asawang Manny at Jinkee upang maging ninong ni Queenie sa binyag nito noong Pebrero 22, 2009 sa Our Lady of Peace and Good Voyage Parish Church sa General Santos City. Si Jinggoy ang nagbigay ng baptismal gown na ginamit ni Queenie.
Sinabi ni Jinggoy na wala namang epekto sa pagiging magkumpare nila ni Pacman ang pagkakaiba ng kanilang mga partido sa darating na election. Basta ang mahalaga aniya ay pareho silang gumagabay kay Queenie at kapwa rin nagdarasal na lumaki itong mabuting Kristiyano.
Dagdag ni Jinggoy, ang mga panalo ni Pacman ay patuloy na nagbibigay ng inspirasyon sa ating lahat at nagpapatibay sa mga dahilan upang ating isigaw at ipagmalaki sa buong mundo na tayo ay Pilipino – matatag, nagsusumikap, hindi sumusuko sa mga hamon ng buhay, malinis makipaglaban at nagtatagumpay sa ating mga adhikain.
- Latest
- Trending