Sumobra ang 'hangin' ni Supt. Nelson Yabut
KUNG may dapat tingalain at hangaan ngayon sa lahat ng opisyal ng Manila Police District walang duda kundi si Supt. Nelson Yabut, hepe ng Station 3. Mantakin n’yo mga suki, nalansag ni Yabut ang kilabot na Bonifacio/Salvatiera carnapping syndicate. Dahil diyan umangat at muling kuminang ang Manila’s Finest sa lahat ng kapulisan sa bansa.
Buwenas si Chief Supt. Rodolfo Magtibay sa pagkaroon niya ng opisyal na katulad ni Yabut dahil bukod- tangi ang kasipagan nito sa serbisyo na angkop sa pangangailangan ng Manileños. Kaya ngayon, usap-usapan sa hanay ng kapulisan hindi lamang sa NCRPO kundi maging sa Camp Crame. Aba, NCRPO chief director Roberto “Boysie” Rosales, dapat na gawaran mo si Yabut nang pinakamataas na parangal at medalya upang pamarisan siya ng lahat ng mga opisyales ng kapulisan. Kasi, mukhang si Yabut na lamang ang kasagutan sa problemang kumukulapol sa imahe ng PNP. Di ba sir?
Noong si Yabut ang hepe ng Meisic Police Station, na neutralized niya ang kaguluhan ng sidewalk vendors sa Divisoria at ngayon na siya na ang hepe ng Station 3 ay nalambat naman niya ang kilabot na carnappers na si Eddie Bonifacio, lider ng grupo kasama ang mga tau-han na sina Edmund Bonifacio (anak ni Eddie) Rodel Oberos, Armando De Leon, Christopher Ducut, Rolly Bartolo at Jomel Salvatiera, alias “Niknok” na nasa order of battle ng kapulisan. Kabilang ako sa mga nag-cover at nagdokumento sa ginawang pagsalakay ni Yabut at kanyang masisipag na tauhan sa isang liblib na lugar sa La Mesa St., Bgy. Ugong, Valenzuela City.
Katunayan, pinamuestra ko pa si Yabut sa lahat ng mga narekober na chop-chop na parte ng sasakyan na kinatay ng sindikato sa loob ng bahay na pinamumugaran ng Bonifacio/Salvatiera Group, he-he-he! Mabuti na lamang at walang tinamaan sa mga tauhan ni Yabut nang paputukan sila ng papatakas na miyembro ng grupo sa pamamagitan ng pagtalon sa mataas na pader sa bandang likuran ng bahay. Maging ang mga kapulisan ng Valenzuela ay nasorpresa sa pagsalakay ni Yabut sa kanilang teritoryo kaya nilamok na lamang sila sa labas ng compound ng mga Bonifacio/ Salvatiera Group safe house, he-he-he! Mukhang may dapat na panagutan ang mga kapulisan ng Valenzuela kay NCRPO chief Rosales dahil kulang ang kanilang intelligence effort. Ang lahat ng mga media people ay masayang lumisan at taas-noo ang papuri kay Yabut ng umagang iyon dahil pang-headline na ang istorya.
Ngunit mukhang sumobra yata ang hangin sa tagumpay ni Yabut dahil sa dinanas ng isang photojournalist ng Police Files na si Ernie Bautista ang pagkapahiya sa harap ilang opisyal ng kapulisan at sa mga preso na nakasaksi sa pambubulyaw nito sa labas ng kanyang opisina sa Central Market Police Station. Nagalit umano si Yabut kay Ernie nang pumasok sa opisina niya na may dalang diyaryo na naglalaman ng larawan at istorya sa paglansag sa sindikato ng mga carnapper. Ayon kay Ernie pasigaw umano siyang sinabihan ni Yabut na “Labas ka na, aalis ako, meron ba naman ang hepe nasa labas at ang reporter nasa loob.” Ang buong akala ni Ernie ay nagbibiro lamang si Yabut subalit nang makalabas na siya sa opisina ay pati ang desk officer ay binulyawan din. “Huwag kayong magpapasok ng reporter sa aking opisina”
Mukhang magaspang nga ang inasal ni Yabut sa aking kabaro. Subalit may prosesong dapat sundin kaya pinayuhan ko na lamang si Ernie na magsumbong sa kanyang boss na si Joey Venancio at sa presidente ng Press Photographer of the Philippine (PPP) Jerry Carual upang matimbang ang pagkakamali niya. Calling National Press Club president Benny Antiporda, paki paimbestigahan mo itong gusot nina Yabut at Bautista ng hindi na maulit sa iba pa nating kasapi. At tandaan ninyo mga kabaro kong photojournalist, hindi obligasyon ng mga opisyales ng kapulisan ang pagbibigay sa inyo ng pabuya dahil hindi naman kayo mga commercial photographer. Get n’yo mga kapatid?
- Latest
- Trending