Pananaw sa kapwa: Dalawang halimbawa
KALILIPAT lang ng bagong kasal sa apartment. Kinabukasan habang nag-aalmusal, nakita ng batang misis sa bintana ang kapitbahay nagsasampay ng labada. “Hindi malinis ang laba,” aniya, “hindi siya marunong maglaba nang tama.” Tiningnan lang siya ng kanyang maamong mister.
Tuwing maglalaba ang kapitbahay, pinupuna ng misis ang marumi pang labada. Makalipas ang isang buwan nagulat siya nang makita ang napakalinis na sampay. Agad niya itong itinuro sa mister: “Tignan mo o, maputi na ang laba niya. Natuto na siya. Sino kaya ang nagturo sa kanya?”
Bumulong si mister: “Nilinis ko kaninang umaga ang ating bintana.”
At gan’un din ang buhay. Anumang napapansin natin ay nababatay sa kinang ng bintanang pinagsisilipan natin. Bago tayo pumuna sa kapwa, mabuting suriin muna natin kung ano ang lagay ng ating pag-iisip.
* * *
Nagpaskel nang maraming karatula ang milyonaryo. Sinumang may utang, puntahan lang siya sa katapusan ng buwan mula alas-9 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, at babayaran niya ito. Naging usap-usapan sa munting bayan ang pangako. Pero konti ang naniwala. Inisip ng mga tao na tiyak may lihim na lokohan o kundisyon ito.
Sa takdang araw umupo ang milyonaryo sa opisina bago mag-alas-9. Pero alas-10 na wala pang kumakatok. Alas-11 nang may lalaking akyat-panaog sa hagdanan sa labas, nililingon ang pintuan ng opisina. Matagal bago siya nagkalakas-loob buksan ito, sumilip sa loob, at magtanong: “Totoo po bang babayaran niyo ang utang ninoman?”
Tumango ang mayaman: “Akina ang papeles na katibayan.” Nang maberipika, pumilas siya ng tseke sa halaga ng utang. Bago mag-alas-12 dalawa pang tao ang pumasok at nagpabayad ng utang. Namangha ang mga tao sa labas, pero ubos na ang oras nila para magpaba-yad ng utang.
Leksiyon: Kung hindi tayo naniniwala sa kabaitan ng tao, paano tayo maniniwala sa kabaitan ng Diyos?
- Latest
- Trending