Ang martial law sa Maguindanao
MAKABUBUTING pagnilayan ng Malacañang at ng buong sambayanang Pilipino ang pahayag ni Presidente Erap tungkol sa ginawang pagdeklara ni Ginang Gloria Macapagal-Arroyo ng martial law sa lalawigan ng Maguindanao.
Ito ang panawagan namin kapwa ng aking panganay na anak na si Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada, chairman ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development at ng joint Congressional Oversight Committee on Labor and Employment.
Ayon nga kasi kay Presidente Erap, hindi naman talagang kailangan ang martial law sa Maguindanao upang matiyak ang peace and order doon at matamo ang hustisya para sa mga biktima sa tinaguriang Ampatuan massacre. Kasi nga naman, noong panahon ng pamu muno ni Presidente Erap ay programatikong naipatupad na ang mga hakbanging pangkapayapaan at pangkaunlaran sa Maguindanao at sa kabuuan mismo ng Mindanao kahit hindi siya gumamit noon ng martial law.
Sa kabila ng napakahabang panahon na ng mga sigalot sa Mindanao ay si Presidente Erap lang ang tanging pinuno ng Pilipinas na nagawang malusob, ma-neutralize at maipasailalim sa kontrol at batas ng ating bansa ang 46 na kampo ng mga armadong moro, kabilang ang Camp Abubakar na nagsisilbi noong simbolo at “fortress” ng pamamayagpag ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Sa pamamagitan ng naturang mga hakbangin ng administrasyong Estrada ay unti-unting napanumbalik ang katahimikan sa Mindanao, at kasunod noon ay nagsimulang sumigla muli ang mga negosyo at ka buuan ng pamumuhay doon.
Tuluy-tuloy na sana ang kapayapaan at pag-unlad sa Mindanao, pero ang malaking problema ay ang naging pagpapabaya ng administrasyong Arroyo, laluna ang pag-isyu pa nito ng kautusang armasan ang mga sibilyang naging mga personal na sundalo tuloy ng ilang mga pulitiko sa nasabing rehiyon.
Dahil nga nakikita naman ng mayorya sa ating mga kababayan na hindi martial law ang tunay na sagot sa problema sa Maguindanao ay marami tuloy ang naghihinala na baka may ibang lihim na motibo ang administrasyong Arroyo sa pagdeklara ng martial law sa nasabing lalawigan laluna’t nalalapit na ang 2010 elections.
- Latest
- Trending