Balik-Suansing sa LTO?
DAMI talagang gustong sumabak sa politika. Kasama na riyan si Land Transportation Office o LTO chief Arturo Lumibao. Pagka-Representante ng Pangasinan ang kanyang puntirya. Tanong ng barbero kong si Mang Gustin: Sino ang dapat pumalit sa kanyang puwesto bilang LTO chief? Maselan ang papel ng LTO. Pinangangasiwaan nito ang tinatayang 5.5 milyon rehistradong kotse, trak at bus at 2 milyong rehistradong motorsiklo, puwera pa yung pagsawata sa mga kolorum na sasakyan na walang “k” pumasada.
Sabi ng isang LTO insider, mukhang maugong sa ahensya ang pagbabalik ni Alberto Suansing. Siya naman ang dating hepe hanggang ilipat siya sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB bilang undersecretary. Kaya pamilyar na si Suansing sa operasyon ng LTO. Si Suansing daw ang nakipaglaban sa mabagal na proseso ng rehistrasyon bukod pa sa pagpuksa niya sa ismagling ng mga sasakyan at paglipana ng mga colorum sa lansangan. Sabi pa ng mga nakakakilala kay Suansing, isa siya sa nagpatupad sa computerization sa LTO na tumutukoy sa mga imported vehicles na walang sapat na papeles.
Pati raw yung mga tiwaling tauhan ng LTO na kasabwat ng mga sindikato ay walang lusot sa IT system ni Suansing dahil natutukoy agad ang mga anomalya at kung kailan nangyari ang mga ito. Anila, siniseguro sa sistemang ito na naibabayad ng tamang buwis sa Aduana ang mga inangkat na sasakyan .
Pati raw mga fixers sa LTO ay hindi makaporma sa sistemang sinimulan ni Suansing. Kaya ngayon anila, ang pagkuha ng driver’s license ay inaabot lang ng isang oras, hindi tulad noon na halos isang araw.
Napapanahon din ang pagbalik ni Suansing sa LTO dahil sa isang linggo, Disyembre na at tiyak, aariba na naman ang mga isnabero at mayabang na taxi drayber na nangongontrata ng pa- sahero. Sa mga ganyang klase ng drivers, kwidaw!
Kapag naupo muli si Suansing, tiyak mabubuhay muli ang Oplan Isnabero upang dikdikin ang mga pasaway na driver.
- Latest
- Trending