Tunay na tulong mula sa MILF
NAGPARAMDAM na ang mga kumidnap kay Fr. Sinnot. Nagpakita ng larawan kung saan hawak nito ang isang diyaryo para patunayan na siya’y buhay pa ng araw na iyon. Sabay hingi ng pantubos na $2 milyon! May video na rin na karagdagang patunay na siya’y buhay, baga-ma’t kailangan na kailangan niya ang kanyang mga gamot. Eto na naman tayo sa negosasyon para sa kanyang pagpapalaya, kahit may patakaran umano ang gobyerno na hindi sila nagbabayad ng pantubos sa mga ganitong sitwasyon.
Wala na bang tigil talaga ang pangingidnap sa Min-danao? Paano makakaunlad ang bahagi ng bansang iyan kung ganyan nga ang nilalaman na tao? Mga kriminal, mga bandido, mga mamamatay-tao! Sino ba naman ang gaganahan pumunta diyan para tumulong kung may peligrong makikidnap sila? Mga pari at taong-simbahan na lang yata ang natitira sa rehiyon, kaya sila na lang ang laging pinupuntirya! Gaano katagal na naman ang pagdurusa ni Fr. Sinnot? Hanggang may magbayad ng bahagyang pantubos?
Tutulong daw ang MILF para mailigtas si Fr. Sinnot. Kung talagang gustong tumulong ng MILF, tanggalin na nila ng permanente ang mga katulad ng grupong dumakip kay Fr. Sinnot at mga boluntaryo ng Red Cross noong nakaraang Enero! Kung sila naman ang naghahari-hari sa lugar, dapat inaaayos na rin nila ang kanilang lugar! Bakit may mga ganyang grupo pa rin na nangingidnap ng mga tao? Di kaya may pahintulot din mula sa MILF? Mahirap paniwalaan na wala silang kontrol sa mga ganyang klaseng grupo kung sila ang dominanteng armadong grupo sa rehiyon. Ang patuloy na pangingidnap ay patunay ba na may pahintulot ang mga grupong ito, o wala na rin silang takot sa MILF? Insulto yata iyon sa pinuno ng MILF.
Maraming matutuwa kapag tunay na mapayapa na ang Mindanao. Maraming papasok na negosyo, turista, at patuloy na kaunlaran. Pero habang may mga grupong ganyan na ang pakay lang ay “humingi” ng pera sa maling pamamaraan, walang mangyayari sa Mindanao. Mga mauunlad na bansa ay may tunay na kapayapaan at katahimikan, kung saan umiiral ang batas. Kung wala ang mga ito, kalimutan mo na ang kaunlaran at magandang buhay. Mahirap bang intindihin iyon?
- Latest
- Trending