Hanggang kailan ang nangyayaring ito?
HINDI binibigyang halaga ni GMA kung ano ang sasabihin ng taumbayan sa mga ginagawa niya. Kamakailan, lumabas ang balita na inaprubahan na ng kongreso ang pagtatalaga ng mga bagong distrito sa Camarines Sur at Camarines Norte. Matagal nang usap-usap na babalik na daw si Budget Sec. Andaya bilang congressman ng 1st. District ng Camarines Sur sa 2010 na ipinahiram lamang nito kay Rep. Dato Arroyo, ang anak ni GMA. Ito daw ang dahilan kung bakit gagawan daw ng paraan ng Malacanang at ng Kongreso na gumawa ng panibagong distrito para sa anak ni GMA.
Parang magic na naitayo ang bagong distrito upang may mapuwestuhan si Dato. Ito raw ang magiging congressman ng bagong katatayong distrito. Nang unang lumabas ang tungkol sa planong pagtatayo ng bagong distrito para kay Dato, kaliwa’t kanan ang pagbatikos dito sapagkat maliwanag naman talaga na ang anak at administrasyon ni GMA ang maki kinabang. Naging mainit ang pagsalungat sa hakbang na ito ng mga iba’t ibang opisyal ng lalawigan.
Isa lamang ito sa mga nakakatakot na ginagawa sa administrasyong Arroyo. Walang kinatatakutan. Binabale-wala ng administrasyong ito ang anumang pagsalungat sa kanila. Kahit na mali ang ginagawa, nakakalusot pa rin sila. Lalabas lamang sa media ang mga tagapagsalita upang maipagtanggol ang kapalpakan ng administrasyon, maya-maya lamang, tahimik na ulit ang mga nagrereklamo. Kasi, ang dami ng defenders na nagtatakip sa dami rin ng mga atraso ng administrasyon.
Sa walong taong panunungkulan ni GMA, hindi na halos mabilang ang mga matitinding kaso na ibinato rito. Natatandaan pa ba ninyo ang impeachment complaint na nalusutan niya sa tulong ng kanyang kaalyado. Nariyan yung diumanong dayaan sa eleksyon na diumano ay kinasangkutan ni GMA at ng isang Comelec commissioner at iba pang mga tauhan niya. Graft and corruption na idinadawit si GMA, FG at mga anak.
Ang nakapagtataka, bakit hanggang ngayon ay nakaupo pa rin si GMA. Ang galing niya ano? Hindi natin napagbago ang ginagawa ni GMA. Ngayon ay nakatunganga ang marami at nagtatanong, hanggang kailan ito?
- Latest
- Trending