Problema ng Pinoys sa US ang pagbibigay ng tulong
APEKTADO rin ang mga Pinoy dito sa US dahil sa grabeng baha na nangyari sa Pilipinas. Labis ang kanilang pangamba. Marami ang nalungkot dahil sa sinapit ng kanilang mga mahal sa buhay na karamihan ay sa bubong ng kanilang bahay namalagi ng ilang oras. Pagkatapos humagupit si Ondoy sa Metro Manila at Central Luzon, si Pepeng naman ang nanalasa sa Northern Luzon. Lumubog ang Pangasinan, Isabela, Baguio, Pampanga, Tarlac at marami pang lalawigan.
Maraming Pinoy ang umuwi para alalayan at tulungan ang kanilang mga kaanak. Ang mga hindi makauwi, ay nagpadala na lamang ng pera, damit, delata at iba pang gamit subalit nagkaproblema rin sila sa pagpapadala.
Lahat kasi ng banko na dapat tumanggap ng ipinadadalang pera mula rito sa US ay sarado sapagkat baha at masama ng panahon. Hindi rin makakontak sa mga taong padadalhan ng pera sa Pilipinas dahil walang kuryente at wala ring telepono. Naubos na rin ang baterya ng kanilang cell phones.
Sa pagpapadala naman ng mga damit, delata at iba pang kagamitan ay matagal bago matanggap. Mga 45 days bago dumating sa Pilipinas ang balikbayan box. Tumatagal kapag may bagyo at baha.
Marami akong kamag-anak at mga kaibigan dito sa US na dumaranas ng pag-aalala sa mga kaanak nilang nasa Pilipinas. Alam nilang mahigpit ang pangangailangan ng kanilang kaanak sa Pilipinas. Mabuti na lang at sabi ng PAGASA ay mga tatlong araw na maganda ang panahon. Walang bagyo. Makapagsisimula nang harapin ng mga nasalanta ang kanilang buhay. Babangon muli sila pagkatapos ng unos.
- Latest
- Trending