Famous last words
FAMOUS last words. Ang pag-unawa ko sa mga katagang ito ay iyong mga huling binigkas o dying words ng mga sikat na personalidad. Nagkaroon na rin ito ng ibang kahulugan – ito na rin ang tawag sa mga deklarasyon na akala mo’y totoo subalit sa paglipas ng panahon ay mapapatunayang huwad.
Ang halimbawa ng una ay ang last words ni Rizal sa Bagumbayan: “consummatum est” (it is finished). Ang pinakatanyag naman na halimbawa ng huli ay ang: “I will not run for President” ni Gng. Arroyo nung Dec. 30, 2003. Siyempre, alam nating lahat kung ano ang kinaratnan ng pangakong ito. Malaki ang naiambag ng pagtalikod ni Gng. Arroyo sa kanyang sinumpaan sa pagiging diskumpiyado ng lipunan sa anumang salitang bitiwan ng Palasyo.
Maging ang larangan ng basic services ay hindi na rin pinalampas ng famous last words ni Gng. Arroyo. Noong July 11, 2009 pinasinayaan niya ang Abucay Pumping Station ng MMDA. Ang target ng P80 million na proyektong ito ay ang mahinto na sa wakas ang pagbabaha sa Espana Blvd. at sa iba pang mga lugar sa Sampaloc, Manila. Aniya: “hindi na papasukin ng tubig ang inyong mga bahay!” Kaming mga residente ng Sampaloc ay nagbunyi sa balita. Kahit pa nanggaling sa Malacañang; at pinangalandakan ni MMDA Chair Bayani Fernando na inako na ng MMDA ang flood control responsibility sa DPWH. Dahil sa haba ng panahong tiniis namin ang walang humpay ng pagbaha tuwing umuulan, naniwala kami sa pinagmalaki ni Gng. Arroyo. P80 million? Wow, sa wakas!
Wala pang isang buwan ay nagkaalaman na. Noong Aug. 24, 2009 nasaksihan nating lahat ang resulta ng Abucay Pumping Station. Sa front page ng pahayagan may litrato ng mga pasaherong nakatayo sa bubong ng sinasakyang FX sa tapat ng UST dahil abot bintana na ang taas ng baha. Sa may Dapitan St. nagreklamo ang mga residente na sa tanang buhay nila, ngayon lang pinasok ng tubig ang kanilang pamamahay. Perwisyo sa negosyo, lalo na sa mga mag-aaral.
Walang paliwanag si Gng. Arroyo. Si Bayani naman, sinisi pa ang taumbayan – dahil daw sa hindi makontrol na pagtapon ng basura. Buti na lang malapit na ang Mayo 2010. Para lahat tayo ay makapagsabi na rin ng famous last words: CONSUMMATUM EST!
- Latest
- Trending