EDITORYAL - Kulelat na naman ang Pilipinas
MAHINA ang performance sa ekonomiya, ma-hina ang serbisyo ng gobyerno at mahinang imprastruktura ng Pilipinas. Iyan ang nakita sa 2009 World Competitiveness Ranking. Ang mga dahilang ‘yan kaya kulelat ang Pilipinas sa Asia-Pacific. Ang mga katabing bansa ay patuloy na umuunlad samantalang ang Pilipinas ay napag-iiwanan.
Sa may 57 bansa na sinala at nilahad ang performance ng ekonomiya sa World Competitiveness Yearbook, bumagsak sa ika-43 ngayong 2009 ang Pilipinas. Noong nakaraang taon (2008) ay nasa ika-40 ang Pilipinas. Paano na kaya sa mga susunod na taon na muling magkakaroon ng ranking ang WCY? Hindi kaya bumagsak sa ika-57? Posible ito kung hindi magkakaroon nang mahusay na reporma ang gobyerno.
Sa resulta naman ng isinagawang State of Philippine Competitiveness National Conference sa Pasay City noong Lunes, nasa pinakailalim ang Pilipinas sa may 13 bansa sa Asia-Pacific region. Lumalabas talagang least competitive ang Pilipi- nas at hindi makahabol sa mga katabing bansa sa Asia-Pacific.
Pinakamahusay ang performance ng Hong Kong, Singapore, Australia, Qatar, Japan, Malaysia, China, Taiwan., Thailand, Indonesia at nasa huli ang Pilipinas na nasa number 43.
Noong dekada 60, nangunguna ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia dahil sa mabilis na pag-unlad ng ekonomiya. Tinitingala ng mga katabing bansa at siguro ay kinaiinggitan dahil sa mabilis na pagsulong. Pero nagbago ang ihip ng hangin at ang dating nasa ibabaw ay nasa ilalim na ngayon. Nakapagtataka na tinalo pa ng Thailand at Vietnam ang ekonomiya ng Pilipinas. Ang Thailand ay isa sa pinakamahina noong dekada 60. Marami ring corrupt doon at may nagaganap na agawan ng kapangyarihan. Ang Vietnam ay dinurog ng giyera. Sino ang mag-aakala na ang dalawang bansang ito ay iigpaw mula sa pagkakalugmok.
Maraming dahilan kung bakit napag-iwanan ang Pilipinas. Ilan sa mga dahilan ay ang mahina at walang direksiyong pamumuno, malambot sa mga corrupt, masyadong maruming pulitika at kawalan ng disiplina ng mamamayan.
Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa bansang ito, kawawang-kawawa at lalo pang magiging kulelat.
- Latest
- Trending