Kaso ng tubero at kantero na tinanggal sa trabaho
SI Rufino ay tubero at si Artemio ay kantero. Noong Pebrero 2, 1976, hinirang sila ng isang kompanya upang magtrabaho sa pagbabago at pagkukumpuni ng gusali nito. Bagamat may regular na empleyado na ang kompanya sa pagpapanatili ng gusali, kinakailangan pa rin ng kompanya ang serbisyo ng dalawa sa loob ng isang buwan o higit pa kung mayroon pang dapat kumpunihin sa gusali tungkol sa pintura, tumutulong bubong, baradong tubo at iba pa.
Ang pagkumpuni at pagbabago ay natapos noong Oktubre 1976. Ngunit nagpasya ang kompanya na magtayo ng karugtong na gusali kaya sina Rufino ay patuloy pa ring nagtrabaho sa fire escape. Noong Nobyembre 27, 1976, nakatanggap sila ng abiso na sa Nobyembre 29, 1976 tapos na ang trabaho nila. Ngunit dahil kailangan pa ng mga munting pagkumpuni, nagtrabaho sila hanggang Disyembre 11, 1976 at sila nama’y binayaran ng kaukulang suweldo.
Pagkaraan nito hindi na sila pinagtrabaho pa. Kinuwestiyon nina Rufino at Artemio ang paghinto nila sa trabaho. Hindi raw sila dapat tinanggal ng walang dahilan sapagkat regular na empleyado na sila. Tama ba sina Rufino at Artemio?
Mali. Malinaw na ang trabaho nila ay hindi pirmihan at limitado lamang. Hinirang sila upang magtrabaho sa isang partikular na proyekto o gawain – ang pagkumpuni ng gusali at hindi ang regular na pangangalaga sa gusali. ang gawain nila ay hindi maituturing na regular na pangangalaga sa gusali sapagkat may regular na empleyado na ang kompanya na gumagawa nito. Dahil hindi nga sila regular na empleyado, hindi masasabing ang pagtanggal sa kanila’y walang sapat na dahilan. Pinatigil na sila dahil ang trabahong pinagawa sa kanila ay tapos na at wala na silang iba pang gagawin (Jai alai vs. Clave 126 SCRA 299).
- Latest
- Trending