Admin takot sa America
KAKAIBA ang reaksiyon ng Malacañang sa huling alingasngas sa Armed Forces. Kabibisto pa lang ng isang kapitana sa Navy na dinispalko umano ng kanyang heneral ang P40 milyon para sa RP-US Balikatan exercises, hinikayat siya agad ng presidential spokesman na maghabla. Nangako pa ito na hindi makikialam ang Palasyo sa binabalak na Senate inquiry. Dati-rati kung may whistleblower na nagsiwalat ng anomalya, nagkakandarapa agad ang mga “bumbero” ng admin na patayin ang “sunog”. Sisiraang “inggit lang” kuno ang exposer, at ipagtitigasang walang katiwalian. Pero kabaliktaran ngayon sa kaso ni Lt.-SG Nancy Gadian. Pinaiimbestigahan ng Malacañang ang scam sa Dept. of National Defense, na atubili nu’ng una dahil nasasakdal rin si Gadian. Nanindigan pa si Spokeswoman Lorelie Fajardo na tutulungan si Gadian, para maparusahan daw ang maysala.
Kaya mabilis ang paghingi ng admin ng hustisya ay dahil pera ng America ang sangkot dito. Magagalit ang Washington kung mabatid na ninakaw nga ang pera nila pero hindi itinuwid ng Malacañang ang gusot. Baka bawiin pa ng America ang suporta kay Gloria Macapagal Arroyo; tiyak na kokolapso siyang parang deck ng baraha.
Nakita na natin kung gaano kaamo sa Kano ang admin. Sa kaso ni US Marine Lance Cpl. Daniel Smith, isinuko nito ang sobereniya’t dangal ng Pilipinas. Hinatulan ng korte si Smith ng paggahasa kay Nicole, pero isinuko siya ng Malacañang sa US embassy. Doon siya idinetene habang inaapela ang kaso, imbis na sa Bilibid. Pero tahimik ngayon ang Palasyo sa bagong usapin ng paggahasa muli ng isang US Marine sa Pilipina sa Makati.
Nakita rin natin ang di-pangkaraniwang sigla ng Malacañang na maipakulong si dating AFP comptroller Maj. Gen. Carlos Garcia. Kasi misis na mismo niya ang umamin sa sulat-kamay na lihim na ginagasta nila para sa sariling kapakanan ang military aid mula sa ibang bansa. E nu’ng panahong ‘yon, 2004, America lang ang nagbibigay ng military aid sa Pilipinas. Kaya hayun, ipinakulong siya agad, pero hanggang ngayon walang kaso ang ibang mga tiwaling heneral sa AFP at PNP.
- Latest
- Trending