EDITORYAL - Handa na ba sa mga bagyo?
Dineklara na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na tapos na ang summer at nasa panahon na ng rainy season. Bago pa ang pagdedeklarang tapos na ang tag-init, sinabi ng PAGASA na anim na bagyo ang tatama sa bansa hanggang Hulyo. Limang bagyo na ang dumaan sa bansa at isa rito ay nag-iwan ng grabeng pinsala — pumatay nang maraming tao at sumira ng bilyong ari-arian. Ang bagyong “Emong” ay nag-iwan ng 36 patay matapos manalasa sa Central at Northern Luzon. Pinakagrabeng tinamaan ang mga bayan sa Pangasinan kung saan pinakamaraming namatay at napinsalang ari-arian na milyong piso ang halaga.
Ang biglaang pananalasa ni “Emong” ay nakapagbigay ng leksiyon sa mga opisyal ng pamahalaan at ganundin sa mamamayan ang kahalagahan ng paghahanda. Huli na para makapagprepara sa pananalasa ng bagyo.
Nasorpresa ang mga taga-Pangasinan sa pananalasa ni “Emong” kaya hindi nakapaghanda ang mga residente. Sa kabila na naging maagap ang PAGASA sa pag-aanunsiyo ng pagdating ni “Emong” hindi rin naman agad nakapaghanda ang mga local officials ng Pangasinan kaya huli na nang sila’y makapaghanda. Sa isang iglap, binayo na ang kanilang lugar. Walang puknat na hangin at ulan ang binigay ni “Emong” at maraming tulay at imprastraktura ang nawasak. May mga residente na hindi agad nakapag-evacuate sa mataas na lugar dahil hindi nabigyang babala ng mga local officials. Sa madaling salita, kung kailan nasa bakuran na ang kalaban, saka lamang sila humanap nang mapagkukublihan. Pero dahil sa bilis at lakas ni “Emong” marami pa rin sa kanila ang hindi kinaya ang bangis nito. May mga mangingisda na inabutan ng bagyo sa dagat.
Maagang nagpapaalala ang PAGASA na anim na bagyo ang nakatakdang dumating sa bansa. Huwag nang hintayin pa na kung kailan nasa bisinidad na ang bagyo, saka lamang kikilos para mag-evacuate. Hindi lamang ang mga local officials ang dapat maging alerto kundi pati na rin ang mamamayan mismo. Ang pagtutulungan sa ganitong kahigpit na sitwasyon ang dapat na mangibabaw.
- Latest
- Trending