EDITORYAL - Sobra na!
KUNG meron mang dapat unahing puksain ang pamahalaan, iyan ay walang iba kundi ang Abu Sayyaf. Ipag-utos sa Armed Forces of the Philippines (AFP) ang opensiba sa mga teroristang Sayyaf sa oras na mapalaya ang dalawa pang natitirang bihag na mga miyembro ng International Red Cross workers. Wala nang dapat pang sayanging panahon ang gobyerno sa pagpuksa sa mga terorista na sobra na ang kalupitan ang ginagawa sa kapwa. Kung wala lang mapipinsalang sibilyan sa Lamitan, Basilan at sa Jolo, Sulu, mas magandang gawin ng AFP ay bagsakan ng bomba ang strongholds ng Sayyaf. O di kaya’y gamitan ng pamamaraan na tulad ng ginawa ng mga Amerikano sa kasagsagan ng giyera sa Vietnam kung saan ang “agent orange” ay kanilang ginamit. Sa mga paraang ito, tiyak na hindi na mabubuhay ang mga teroristang mahigit nang isang dekadang nagpapalumpo sa Basilan at Sulu. Maaaring magwakas na ang kasamaan ng mga ito na hindi na maituturing na tao kundi masahol pa sa hayop.
Noong Biyernes Santo, walang awang pinugutan ng ulo ang isa sa dalawang lalaki na kanilang hinostage sa Sitio Arco, Lamitan. Tahimik na nagdarasal ang mga residente ng nasabing sitio bilang paggunita sa kamatayan ni Jesus sa krus nang biglang sumalakay ang may 40 Sayyaf. Pito katao ang hinostage at kabilang dito sina Cosme Aballes at Eman Chavez. Si Aballes ang pinugutan ng ulo. Natagpuan ang kanyang katawan na bahagya pang nakadikit ang ulo nito. Sabi ng military, hindi nila malaman kung noong Biyernes Santo, pinugutan si Aballes. Linggo nang matagpuan sa Lamitan ang bangkay. Isa pang lalaki ang walang awang pinagbabaril ng Abu Sayyaf nang salakayin ang sitio.
Marami nang napugutan ang Sayyaf at kabilang diyan ang Amerikanong si Guillermo Sobero. Si Sobero ay kabilang sa mga dinukot sa Dos Palmas Resort sa Palawan. Dalawang guro sa Lamitan ang pinugutan na rin ng Abu Sayyaf noon. Pagkatapos pugutan, ikinalat ang mga ulo sa palengke.
Sobra na ang ginagawa ng Sayyaf. Pumapatay ng mga sibilyan. Naghahasik ng lagim sa mga tahimik na mamamayan. Dapat nang matapos ang kanilang kasamaan. Huwag nang tigilan ang Sayyaf para mapuksa na lahat.
- Latest
- Trending