Moral renewal sa pamahalaan
KAHIT maraming napataas ang kilay nang iutos ni Presidente Arroyo ang paglulunsad ng “moral renewal program” sa gobyerno, ito’y isang welcome development basta’t ito’y maipatutupad nang maayos.
Some people can be cynical pero at least, naririyan ang direktiba at ang dapat nating subaybayan ay ang implementasyon. Tutal, matatapos na ang termino ni Gloria, baka sakaling makapag-iwan siya ng kahit isang magandang ala-ala. O di ba? Hay, sana naman.
Ang balita ko, lahat ng mga ahensya ng gobyerno kasama ang mga government financing institutions at government corporations ay pinapaghahanda na ng plano para sa implementasyon ng moral renewal plan (MRAP). Ang mga plano ay dapat isumite sa Presidential Anti-Graft Commission (PAGC) sa ika-14 ng Mayo alinsunod sa hinihingi ng Administrative Order 255. Inaatasan ang mga pinuno ng ahensya na manguna sa moral renewal sa mga tanggapang pinamumunuan nila. Binalangkas sa bisa ng kautusang ito ang Integrity Development Action Plan (IDAP) na ipinalalaganap na sa lahat ng sangay ng pamahalaan.
Ang IDAP ay mayroong 22 paraan na nahahati sa apat na larangan ng pagsugpo ng korupsyon: Prebensyon (pagbabago sa sistema upang alisin ang anumang pagkakataong mangurakot) imbestigasyon at pagpapatupad ng batas (upang gawing high risk, low reward ang corruption.)
Kasama rin ang aspeto ng edukasyon upang magkaroon ng pambansang kamalayan laban sa korupsyon at pagtu turo ng mga dapat gawin sa serbisyo publiko, lakip ang pakikipag-alyansa sa pribadong sector sa pakikidigma sa katiwalian. Ayon kay de Guzman, ang implementasyon ng IDAP ay tanda ng determinasyon ng Pangulo na labanan ang katiwalian sa lahat ng antas ng pamamahala at ipalaganap ang kultura ng integridad sa bawat sector ng lipunan.
Dahil dito, ang bilang ng mga government partners ng PAGC ngayon ay 156 na mula lamang sa 39 noong 2005 at ito’y inaasahan pang darami, ani de Guzman. Kabilang diyan ang mga kinatawang ahensya ng 359 delegado na dumalo sa workshop na isinagawa ng PAGC kaugnay sa AO 255 kamakailan lang.
- Latest
- Trending

















