EDITORYAL - Paglaban sa illegal na droga paigtingin pa
SERYOSO na nga yata ang gobyerno sa pagdurog sa mga salot na drug traffickers. Mabuti naman para wala nang kinatatakutan ang mamamayan sa tuwing lalabas sila ng bahay. Ang paggamit ng droga ang itinuturong dahilan ng pagtaas ng krimen sa bansa. Sa kasalukuyan, pati mga liblib na lugar ay mayroon nang shabu.
Ang kaseryosohan ng gobyerno laban sa illegal drugs ay ipinakita ni President Arroyo nang atasan niyang sampahan ng kaso ang “Alabang Boys” ganundin ang mga opisyales ng Department of Justice at prosecutors na sangkot sa milyong suhulan. Pati ang agent ng Philippine Drug Enforcement Agen cy (PDEA) na umaresto sa “Alabang Boys” ay pinakakasuhan din ng Presidente. Walang makapipigil sa kautusan ng Presidente na itinalaga ang sarili na anti-drug czar ilang buwan na ang nakararaan.
Ipinag-utos ng Presidente ang random drug test sa mga elementary at high school students. Pati ang mga pulis ay sinorpresang isailalim sa drug test. Ipinag-utos din ang pagsasailalim sa drug test ng mga empleado sa gobyerno para raw makatiyak na walang addict sa shabu.
Para makaakit ng atensiyon sa mundo at ipaki-tang matindi ang paglaban sa illegal na droga, isang malaking pagtitipon ang isinagawa sa Roxas Boulevard noong Sabado. Karamihan sa mga dumalo sa pagtitipon ay mga guro sa public school at pati elementary schoolchildren. Kasama ng mga bata ang kanilang mga magulang. Nagdulot ng grabeng trapik sa Roxas Blvd. at iba pang malalaking kalsada ang pagtitipong iyon. Ang nag-sponsor sa pagtitipon ay ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (Pacgor). Ang malaking rally laban sa illegal na droga ay nakatakdang isali sa Guinness Book of World Records.
Wala namang masama sa ganitong rally pero mas maganda kung ipakikita ang paglaban sa illegal na droga sa pamamagitan ng pagsalakay sa shabu factories o doon sa shabu tiangge. Sa ganitong pagsalakay lubusang maipakikita na hindi ningas-kugon ang pakikibaka. Wasakin ang sindikato ng illegal drugs.
- Latest
- Trending