^

PSN Opinyon

'Kapag pulis ang may sala. (?)'

- Tony Calvento -

WALANG SINUMAN ANG MAS MATAAS PA SA BATAS. Sa salitang Ingles “No one is above the law. The law applies to all or to none at all.”

Isa sa pinakamalaking kaso na tinutukan namin mula simula pa at na­sundan hanggang magsanga-sanga dito sa “CALVENTO FILES” ay ang pagpatay (salvagings?) sa tatlong ‘sampaguita vendors’ nung Agosto 9, 2007 sa Katipunan, Quezon City.

Natagpuan ang mga duguang bangkay nina Leonito Bajen, Raffy Alondres at Joel Adique sa kahabaan ng fly-over ng Katipunan Road sa  Quezon City.

Ayon sa mga nakakita, inimbitahan sila ng mga pulis at dinala sa police station “for verification” lang raw dahil ang tatlo ay pinaghi­hinalaang respon­sable ng mga “petty crimes” sa kanilang lugar.

Matapos dalhin sa Station 8 sa Quezon City ay hindi na muling nakitang buhay ang tatlong magkakaibigan.

Ang krimeng ito ay naging malaking palaisipan para sa pamilya at mga kaibigan ng tatlong biktima.

Nais nilang malaman ang katotohanan. Ano nga ba ang tunay na nangyari kila Leonito, Raffy at Joel? Sino ang gumawa sa kanila nito? Higit sa lahat nais nilang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng mga ito. 

Ika-31 ng Agosto 2007 pumunta ang ilang mga kaanak ng mga biktima sa aming tanggapan upang humingi ng tulong. Naging panauhin sila sa aming radio program na Hustisya Para Sa Lahat at sila ay nanawagan sa kung sino man ang nakasaksi sa ginawang ‘pag salvage’ sa tatlo.

Isang lalaki ang naglakas loob na magsalita at naging ‘star witness’ sa kasong ito. Siya si Melencio “Omeng” Aguelo, kababata at kasamahan sa trabaho nila Raffy, Leonito at Joel.

Sa ginawang imbestigasyon, isinalaysay ni Omeng ang kanyang nakita nung gabi na pinatay ang tatlo. Idinawit niya ang mga pangalan ng mga pulis mula sa Station 8 ng Quezon City na may kinalaman umano sa krimen.

Matapos sumpaan ni Omeng ang kanyang salaysay pormal ng sinam­pahan ng kasong Multiple Murder (3 Counts) sa Quezon City Prosecutor’s Office sina SUPT. JOSE GARCIA, PO1 SONGALIA, PO2 JURGENE PEDROSO, SPO1 GIL BULAN, PO3 DOMINIC CHAN, SPO3 BONIFACIO RIOFLORIDO, PO2 SHERWIN TOLENTINO AT PO2 ELMOR ALAY-AY.

Natapos na ang ilang pagdinig sa kaso at nakatakda ng lumabas ang resolusyon nito nang mangyari ang matagal ng inaasahan ni Omeng.

Habang nagtitinda ng sampaguita si Omeng nung Setyembre 13, 2008 sa Masinag Junction, Brgy. Mayamot Antipolo City, siya ay binaril at napatay ng isang hired-gunman.

Dalawang araw matapos ang insidente nagpunta sa aming tanggapan ang asawa ni Omeng na si Roselyn Bongo upang iparating ang masamang balita.

Ayon kay Roselyn nung umagang yun, isang lalaking armado ng baril ang bigla na lang sumulpot sa harapan nito at tumapos sa kanyang buhay.

Maliwanag at maraming tao nun kaya bukod sa kanya marami ang naka­saksi sa nangyaring pagpatay kay Omeng.

Sa tulong ng mga taong bayan, nahuli ang lalaking ito na kalaunang nakilala bilang si Richard Celestial, 28 taong gulang at nakatira sa Concepcion I, Marikina City.

Dinala ng mga pulis si Celestial sa Sumulong Highway at Mayamot Po­lice Station. Sa presinto nalaman niya mula sa mga pulis na ang taong pinatay niya ay ang kaisa-isang testigo sa kasong isinampa laban sa walong Quezon City police. Unti-unti na rin nagkakaron ng linaw kay Celestial ang lahatNaisip ni Celestial na ang mga pulis na nag-utos sa kanya para patayin si Omeng ay may kinalaman sa nangyaring ‘pansasalvage’ sa tatlong sampaguita vendors.

Ang lahat ng kanyang pag-amin ay ipinahayag niya sa kanyang ginawang sinumpaang salaysay sa opisina ng National Bureau of Investigation. Ito ay ibinigay niya sa harap nila Special Investigator III Dennis M. Villanueva at Special Investigator III Roel M. Jovenir.  

Idinetalye niya rito kung paano siya kinuha ng mga ito at kung paano nila pinagplanuhang patayin si Omeng.

Nagpaunlak rin ng ‘interview’ si Celestial sa Hustisya Para Sa Lahat sa pamamagitan ng aming kaibigan at kasamahan sa industriya na si Mr. Julius Babao.  

Sa panayam namin sa kanya sinabi niya rin na ang walong pulis Quezon City raw ang nag-utos sa kanya na patayin si Omeng kapalit ng halagang 15,000 pesos.

Sapat na ang ginawang pag-amin ni Celestial upang siya ang madiin sa pagpatay kay Omeng. Ito rin ay mabigat na ebidensya laban sa walong akusadong pulis sa naunang pagpatay sa tatlong sampaguita vendors.

Kasalukuyang nakasampa sa Regional Trial Court, Branch 71 ng Antipolo City ang kasong Murder laban kay Celestial.

Sa naganap na ‘arraignment’ ng kaso ni Celestial ikinagulat ni dating Sandiganbayan Justice Harriet Demetriou na hindi isinama sa kaso ang mga pulis na pinangalanan ni Celestial na siyang umupa sa kanya.

Ipinarating namin ito kay Department Of Justice Secretary Raul Gonzalez. Muli namin itong tinalakay sa aming radio program at agad niya naman ito inaksyunan.

Inatasan ni Sec. Gonzalez si Direktor Nestor Mantaring ng National Bureau of Investigation at inutusan ito na ipatawag ang atensyon nila NBI Special Investigators Dennis M. Villanueva at Roel M. Jovenir.

Maglalabas din ng isang memorandum si Sec. Gonzalez na pinagrereport sina Villanueva at Jovenir sa kanyang tanggapan sa DOJ upang personal na humarap sa kanya.

Tungkol sa kaso naman ng ‘pag salvage’ sa tatlong sampaguita vendors, hindi rin kami tumigil sa pakikipag-ugnayan kay City Prosecutor Claro Arellano ng Quezon City upang alamin kung ano na ang nangyayari sa kasong ito. Nangako naman siya na ilalabas niya ang resolusyon sa lalong madaling panahon.

SA GANANG AMIN dito sa Calvento Files at Hustisya Para Sa Lahat, ang pakay namin ay ang katotohanan lamang. Kung ano ang magiging desisyon ng mga prosecutor o ng kagalang-galang na huwes ay nararapat lang na umiral ang hustisya para sa tunay na biktima.  (KINALAP NI GAIL DE GUZMAN)

Sa mga gustong dumulog sa aming tanggapan ang aming mga numero, 09213263166 o sa 09198972854 at ang aming landline ay 6387285. Maari din kayo magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

* * *

Email: [email protected]

AMING

CELESTIAL

CITY

HUSTISYA PARA SA LAHAT

NIYA

OMENG

QUEZON CITY

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with