EDITORYAL - Kailan ba lilinisin ang DPWH?
ISA sa pinaka-corrupt na tanggapan ang Department of Public Works and Highways (DPWH). Kasama nito sa pagiging corrupt ang Customs at BIR. Ang tatlong ito ang laging bukambibig kapag kurakutan ang pag-uusapan. At ngayon ay ang pagiging corrupt na naman ng DPWH ang pinag-uusapan. Kailan ba hindi naging corrupt ang tangga pang ito? Noon pa, talagang isinusuka na ito dahil sa mga kontrata sa paggawa ng kalsada. Maraming contractor ang nag-uunahan para makakuha ng kontrata sa DPWH — at mangyayari lamang iyon kung may lagayan. Hindi makakakuha nang malaking kontrata kung walang lagayan at kutsabahan. Kalakaran na ang ganito — noon at hanggang ngayon.
At hindi masisisi si Sen. Miriam Defensor San tiago kung prangkahan niyang sabihin na dapat ay magbitiw na ang secretary ng DPWH dahil sa mga nangyayaring iregularidad. Sa mga nangyayaring katiwalian ngayon sa DPWH ay talagang makapagsasalita nang masakit ang kahit sino. Paano’y habang maraming mamamayan ang naghihirap at nangangailangan ng serbisyo mula sa gobyerno, eto at mabubulgar na may mga nangyayaring katiwalian kaugnay sa pagpapagawa ng mga kalsada at tulay sangkot ang bilyong piso.
Tatlong kompanyang Pinoy na contractor sa paggawa ng kalsada ang na-blacklist ng World Bank dahil sa malawakang corruption. At sa kabila na blacklisted na ang tatlong contractor, patuloy pa rin palang nakakakuha ng kontrata sa gobyerno. Ang ganitong ginagawa ng tatlong contractor ang ikinagalit ni Santiago sa DPWH. Nagpapatunay lamang umano na talagang may nangyayaring katiwalian dahil hinahayaan ng DPWH na patuloy na makakuha ng kontrata. Halos sumabog ang dibdib ni Santiago noong Martes sa pagmumura at hiniling na magbitiw ang pinuno ng DPWH. Maging ang Ombudsman at ang Finance secretary ay hindi nakaligtas sa matatalim na pananalita ni Santiago.
Noon pa man, marami nang katiwaliang nangyayari sa DPWH at dapat lang na magkaroon ng pagbabago sa tanggapan. Ang patuloy na katiwalian ang nagpapahirap sa bansang ito. Ang katiwalian ang dahilan kung bakit maraming foreign investor ang umiiwas na maglagak ng kanilang puhunan.
- Latest
- Trending