'Giyera ni Sec. Atienza laban sa panlalapastangan sa Taal Lake!'
(Huling Bahagi)
EKSKLUSIBONG nakapanayam ng BITAG ang ina ng lalawigan ng Batangas na si Gov. Vilma Santos-Recto hinggil sa isyu ng zero fish cage sa Taal Lake.
Ang paghaharap ng BITAG at ng gobernadora ng Batangas ay bunsod na rin ng kanilang imbitasyon sa aming grupo sa kanilang provincial forum upang pag-usapan ang problema sa Lawa ng Taal.
Kasama sa nasabing forum ang Regional Executive Director ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), miyembro ng Protected Area Management Board of Taal Volcano Protected Landscape (PAMB-TVPL), ilang Environmental Non-Government Organizations, mga alkalde ng mga bayan at ang Kilusan ng Maliliit na mangingisda sa Lawa ng Taal.
Tinuldukan na ng gobernadora ang isyu kung ano ang aksiyong nararapat gawin sa Lawa ng Taal sa unti-unting pagkakalapastangan dito.
Ayon kay “Gov. Vi”, hindi siya tutol sa panukala ng kalihim ng DENR na si Sec. Lito Atienza na alisin ang mga fish cage sa Taal Lake subalit hindi ito magagawa drastically o ng ura-urada.
Binanggit ng gobernadora ng Batangas ang ilang mga problemang kailangang ikonsidera sa proyektong ito. Inamin pa niya na hindi maisasakatuparan ang zero fish cage sa loob lamang ng dalawang taon.
Ilan sa mga aspetong binanggit ni Gov. Vilma Santos-Recto sa kanyang mensahe sa forum at sa panayam ng BITAG ay; UNA, napakalaki raw ng budget na gagamitin sa pagpapatanggal ng mga fish cages sa lawa.
Enero ng taong ito, araw ng Kalayaan ng simulan nila ang pagtatanggal sa mga abandonadong fish cage, dito umabot sa mahigit 1 milyong piso ang kanilang kinailangan para matagumpay na maisagawa ang dismantling.
Nahihirapan raw ang pamahalaan ng Batangas sa aspetong ito dahil walang ibang pinagkukunan ng budget for operation ang kanilang lalawigan, mas maganda raw kung matutulungan sila financially ng DENR maging ng Departmet of Tourism (DOT).
Ikalawa, ang mga resi denteng nakapaligid sa Lawa ng Taal na ang pagiging caretaker sa mga fish cages sa Taal Lake ang ikinabubuhay. Oras na tanggalin ang mga fish cages ay kailangang may alternatibong ikabubuhay ang mga ito.
Aniya, pinaghahandaan ng kanyang pamunuan ngayon ang napakalaking budget para sa livelihood program para sa mga mangingisdang residenteng maapektuhan sa dismantling ng fish cages.
Ikatlo, ang mga tigas-ulong negosyanteng operator ng fish cages. Naging sakit sa ulo daw ito ng gobernadora dahil dalawang araw pa lamang matapos ang kanilang dismantling, may nakatayo na namang fish cage sa Lawa.
Ang nakakatawa rito, submersible o sa ilalim ng tubig ng Lawa nakatayo ang mga fish cage kung saan hindi makikita ang mga istruktura ng mga ito.
Ilan lamang ang mga ito sa mga tapat na pag-amin ng gobernadora sa proyektong ito. Ganunpaman, tuloy pa rin ang proyektong tanggalin ang mga fish cages sa Taal at humingi siya ng palugit sa DENR hanggang 2010.
* * *
Panoorin ang kabuuan at katapusan ng isyung ito nga yong Sabado, alas-9 ng gabi sa BITAG.
- Latest
- Trending