Maling sistema sa hustisya?
MAY mali talaga sa sistema ng hustisya sa ating bansa. Pagkatapos ng 14-na taong pagkakulong, pinalaya na si Claudio Teehanke Jr. sa pamamagitan ng Presidential clemency. Si Teehanke ay nahatulan dahil sa pagpatay kina Maureen Hultman at Ronald Chapman. Walang dahilan kung bakit pinagbabaril ni Teehankee ang dalawa. May pangatlo pang binaril pero nabuhay at nagsilbing testigo laban kay Teehankee.
Sa mga pagdinig pa nga sa kaso, itinanggi ni Teehankee na binaril niya ang tatlo, na nagbigay-buhay sa opinyon ng marami na siya’y wala sa tamang isip. Ang naging hatol ng hukuman, habambuhay na kulong. Nang panahong iyon, wala nang death penalty. Pero mukhang sa sistema natin, ang habambuhay na kulong ay 14-na taon lang, lalo na kung “mabait” ka! Maaaring bulag nga ang hustisya, pero hindi pantay ang timbangan!
Sa halos lahat ng krimen, wala talagang nakukuhang hustisya ang biktima at mga kapamilya nito. Tulad ng pagpapalaya kay Teehankee. Ang kapalit lang pala ng buhay ng dalawang tao ay 14-na taong pagkakulong. Mabuti pa nga ang pamilya ng kriminal, buhay pa ang kamag-anak nila, at may ilang taon pa nilang makakasama, makakausap, makakabiruan at makakainuman.
Papaano naman ang mga kamag-anak ni Maureen Hultman at Ronald Chapman? Ano ang puwede nilang ma-enjoy? Nabuhay ba ang anak nila nang pakawalan na si Teehankee, na ayon sa mga matatalinong opisyal ng gobyerno, eh binayaran na niya ang kanyang utang sa sambayanan? Bayad? Buhay at malaya na si Teehankee, si Hultman at si Chapman patay pa rin. Ano ang bayad diyan? Yung nawala niyang 14-na taon sa kulungan? Eh kaya nga panghabambuhay na kulong ang sentensiya kasi ito ang nararapat na parusa para sa ginawa niyang krimen!
Magiging bayad lang siya sa sambayanan kung natupad ang sinentensiya sa kanya! At kung binasa lang niya ‘yung Bibliya na bitbit niya noong nililitis siya sa hukuman, makikita niya na ang hustisya ng Diyos ay mata para sa mata! Dalawang buhay ang binura niya, dapat dalawang panghabambuhay na parusa ang binayaran niya!
Kaya ganun na lang katapang ang mga pumapatay ng tao ngayon. Tulad nung abogado na bumaril din sa dalawang tao sa Shaw Blvd. Alam nila na kahit makulong sila, basta ba mabait sila, nagbabasa na lang ng diyaryo o kaya nagpapalaki ng mga gulay habang nasa loob ng kulungan, darating ang araw na palalayain din sila ng sistemang bulok!
Napakadaling magsalita ng mga opisyal ng gobyerno, para sabihin na nagsisi na si Teehankee at sinilbihan na niya ang kanyang parusa, dahil hindi naman sila ang nawalan ng mahal sa buhay. Sa kasong ito ni Teehankee, maliwanag na pumatay siya ng tao nang walang dahilan. Hindi dapat ganun kadali lang pinalaya ito, na tila patago pa. At kung may mga kilos na si Rolito Go naman ang susunod na palalayain, eh sandali lang!
- Latest
- Trending