'Kapag siningil ka ng langit' (Huling bahagi)
(Kinalap ni Gail de Guzman)
NUNG BIYERNES ISINULAT ko ang simula ng salaysay nung gunman na si Richard Celestial tungkol sa pagpatay sa umano’y nag-iisang witness sa multiple murder case (3 counts) laban sa mga pulis Quezon City na si Melencio “Omeng” Agoelo na nangyari nung ika-13 ng Setyembre 2008.
Dinawit ni Celestial ang mga pangalan nina PO2 SHERWIN TOLENTINO, SPO1 GIL BULAN, PO2 JURGENE PEDROSO, PO2 ELMOR ALAY-AY, PO3 DOMINIC CHAN at isang pulis na nakilala niya lang sa tawag na “SARHENTO”.
Ika-8 ng Setyembre ng umano’y makilala niya si “Sarhento,” ang lider umano ng grupo. Kinausap siya nito tungkol sa plano nila laban kay Omeng. Nagkakaproblema sila sa kasong kanilang kinasasangkutan dahil sa matibay na salaysay ni Omeng na nagdidiin sa kanila.
Tinanggap ni Celestial ang pinag-uutos ni Sarhento. Ito’y isang ma laking hamon sa kanya at dahil na rin sa pera at proteksyon na ibibigay sa kanya sa kanyang mga illegal na gawain.
Ika-9 ng Setyembre 2008 nagpunta si Celestial at PO2 Tolentino sa Masinag, Antipolo. Sinimulan na ni Celestial ang pagmamanman kay Omeng habang si PO2 Tolentino naman ay may ibang pinuntahan. Sinurveillance niya ang bawat lagusan sa lugar kung saan matatagpuan si Omeng.
Lubos ang ginawa niyang “casing” sa kanyang “target” at pati na rin sa area kung saan niya babanatan ito. Matapos ang lahat ay sumakay siya ng dyip papuntang Antipolo at dun sila nagkitang muli ni PO2 Tolentino.
“Pagkauwi namin ni PO2 Tolentino sa amin ay kinausap niya ako at sinabi niya na kung maghahati-hati silang lahat ay makakatanggap ako ng mahigit-kumulang ng 15,000 pesos,” ayon kay Celestial.
Pinaayos daw niya umano ang “firing pin” ng kanyang baril kaya nagtagal pa ng dalawang araw.
Ika-12 ng Setyembre 2008 nakausap muli ni Celestial si PO2 Tolentino. Sinabi umano ni PO2 Tolentino na, “Oh, nakakuha na ako ng pera, trabahuhin na natin bukas at nagtetext na ang mga KOLOKOY.” Tinutukoy daw niya ang mga pulis na kasamahan niya.
Kinagabihan sinundo pa ni Celestial ang pinsan niya bago siya tumuloy sa bahay ni PO2 Tolentino. Duon na din siya umano natulog at nagpalipas ng gabi. Kinaumagahan ng Setyembre 13, 2008 pinauna na ni PO2 Tolentino si Celestial kasama ang pinsan niya sa Masinag gamit ang motor nito.
Bandang 8:30 ng umaga dumating na ang dalawa sa Masinag. Iniwan muna ni Celestial ang pinsan niya sa isang food chain para hindi na ito madamay sa kanyang gagawin. Duon niya rin iniwan ang motor ni PO2 Tolentino.
“Tumuloy agad ako sa lugar kung saan ko minanmanan si Omeng at dun ay naabutan ko siyang nagtitinda ng sampaguita. Tumambay muna ako dun ng mahigit mga tatlumpung minuto habang inaantay ko munang umalis yung mobile ng pulis na nakaparada malapit dun,” kwento ni Celestial.
Hinintay niya hanggang sa umalis na ang mobile malapit sa kinaroroonan ni Omeng. Para talagang oras na ni Omeng nung mga sandaling yun dahil hindi na nahirapan itong gunman nang dumaan siya sa harapan ni Celestial.
Habang nagtitinda ng sampaguita si Omeng pabalikbalik ito sa kanyang paglalakad. Wala itong kamalay malay na nasa paligid na niya ang taong tatapos sa kanyang buhay.
“Nung naglakad siya pabalik sa akin ay sinalubong ko na siya at ng halos magpang-abot na kami ay nilabas ko na ang aking baril at pinaputukan ko na siya sa may dibdib,” ayon sa sinumpaang salaysay ni Celestial.
Agad tinamaan si Omeng unang putok pa lang. Tumupi ang katawan niya kaya hindi tumama ang pangalawang putok. Matapos ang pangalawang putok tumakbo na si Celestial papunta sa fast food chain na pinag-iwanan niya sa pinsan niya. Habang tumatakbo siya napansin niya na may sumusunod sa kanyang mobile ng pulis. Hindi na niya nilapitan ang pinsan niya at di na rin siya tumuloy sa pagsakay ng motor.
Nakipaghabulan siya sa mga pulis na nakasakay sa mobile. Kabado si Celestial dahil hindi kasama sa plano na may mobile ng pulis Antipolo na daraan pala.
Nataranta siya at pilit niyang pinasok ang isang bahay sa may Sumulong Highway para makapagtago ngunit nasundan pa din siya ng mga pulis at nahuli siya ng mga ito.
“Pagkahuli sa akin ay dinala ako sa presinto sa Sumulong Highway at Mayamot. 10:30 ako dinala dun. Nagtagal ako dun hanggang maabutan ako ng asawa ni Omeng,” pahayag ni Celestial.
Sa presinto nalaman ni Celestial at ng mga pulis na ang pagpatay nito kay Omeng ay may kinalaman sa mga unang napapabalita na pagpatay sa tatlong tao. Nalaman din ni Celestial mula sa mga pulis na ang bangkay ng mga ito sa Katipunan Highway. Unti-unti na nagkakaron ng linaw kay Celestial ang lahat.
“Napag-alaman ko din na ang mga pulis ng Quezon City ang itinuturong pumatay dun at si Omeng pala ang pinaka saksi sa naturang krimen,” ayon kay Celestial.
Naisip niya din na ang grupo ni PO2 Tolentino ang may kinalaman sa naunang pagpatay na yun dahil sila ang nag-utos kay Celestial na ipapatay si Omeng.
ANG KASONG ITO ay classic-case ng “comedy of errors.”
May nagreklamo na maraming nagaganap na “petty crimes” gaya ng pandurukot, snatching at cellphone hold-ups umano sa tapat ng Sta. Clara Church kaya daw nagpakitang gilas ang mga pulis na ito at nagtumba ng tatlong tao. Ang problema may testigong nakakita.
Kinausap ko sa radio program namin itong si Supt. Jose Garcia at sa isang mainit na palitan tungkol sa pagkadampot (“for safe keeping daw” ) niya sa tatlo. Sinabi ko rin na may testigong lumutang na itinuturo siya at ilang mga pulis niya sa Station 8. Sa hindi inaasahan pagkakataon biglang namatay ito. Unang napabalita na nagpakamatay ito. Hindi nagtagal ay sinabi namang pinatay daw ito ng may isang taong pumasok sa loob ng kanyang bakuran at binaril siya. Napatay din umano sa isang “encounter” yung gunman.
Ngayon na malapit ng lumabas ang resolution sa kasong isinampa laban sa mga pulis na isinangkot ni Omeng bigla namang binaril siya ni Celestial. Nahuli itong si Celestial at muling nadiin ang mga pulis ng Station 8 ng Quezon City. Kelan kaya matatapos ang serye ng patayan na ito?
MATAKOT KAYO sa Panginoon. Wala tayong karapatan na pumatay na lamang kahit sabihin mong mga hoodlums ang mga ito. Meron tayong mga batas at korte upang ipataw ang karampatang parusa sa kanila.
MATAKOT KAYO dahil KAPAG SININGIL KA NG LANGIT MAGBABAYAD KA NG MAHAL!
PARA SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN tumawag sa 6387285 o 6373965-70 o magtext sa 09213263166 at 09198972854. Maari din kayong magpunta sa aming tanggapan sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
Email address: [email protected]
- Latest
- Trending