Si Chavit Singson naman
ISANG talunang kandidato ulit ng Team Unity noong 2007 ang nabigyan na rin ng posisyon sa Gabinete ni President Arroyo. Ito’y walang iba kundi si dating Ilocos Sur Gov. Luis “Chavit” Singson — dating kaibigang matalik ni dating President Erap Estrada. Si Chavit ay ginawang Deputy National Security Adviser at nasa ilalim ni Sec. Norberto Gonzales. Siyempre, naglabasan ang lahat ng tutol, angal at batikos sa pagtatalaga sa kanya sa posisyong ito. Ano raw ang kuwalipikasyon ni Chavit para maging Deputy National Security Adviser. Ayon naman sa dating governor, siya ay naging chief of police ng Vigan — kaya marunong siya sa peace and order at security.
Inasahan na ang reaksiyon ni dating President Erap. Isang pagkakamali raw ang pagkakapuwesto kay Chavit. Kunsuwelong pulitikal lang daw ito ni Arroyo sa natalong kandidato katulad ng apat na natalo ring mga kandidato na may mga posisyon na — si Ralph Recto bilang bagong NEDA chief; Tito Sotto, Dangerous Drugs Board chairman; Prospero Pichay, Direktor ng Board of Water Utilities; at ang favorite daw na si Mike Defensor na naging hepe ng NAIA 3 pero ngayon ay nasa pribadong kompanyang pinagdududahan ay pronta lamang din ng mga Arroyo (Mining Company na may malaking kontrata sa China).
“Hindi siya National Security Adviser. Dahil siya ay Natio-nal Security Risk,” sabi ni Erap. Walang background, training, edukasyon sa proteksiyon ng estado, ang hiyaw naman ng mga maka-oposisyon ukol sa pagkakapuwesto kay Chavit sa sensitibong posisyong ito.
May mga usapin din na kaya binigyan ng posisyon si Chavit ay dahil nag-aalburoto nga ito dahil sa pagpapalaya ng administrasyon kay Erap. Nagbanta pa nga na kakalas na siya sa administrasyon at pinangangambahan na ngang magsisiwalat ng mga nalalaman niyang mga malalaman na sekreto! Pagkatapos ng ginawa ni Chavit kay Erap medyo mahihirapan ang ibang kaalyado nito na lubusan siyang pagkatiwalaan kung magagalit ito. Baka isang araw, buweltahan ka na lang!
Pero nang makausap ko si Chavit sa eksklusibong panayam ay buo naman ang loob nito na kakayanin ang pagtulong sa NSC. May karanasan daw siya sa pakikitungo at negosasyon sa mga rebelde at terorista. Hindi siya naniniwala na ang all-out war o giyera ang solusyon sa problema sa MILF sa Mindanao.Pupursigihin daw niya ang mapayapang negosas yon sa mga rebelde.
At tulad din ng kilala nang lahat na estilo ni Chavit, sa pananalita na diretso at panay kantiyaw, ang buwelta niya sa kanyang mga kritiko: “Inggit lang kayo. Kayo na dito kung gusto ninyo. Yang mag-amang Estrada nai-inggit lang yan. Wala naman silang alam. Yung pinipilit ni Erap na giyera kamatayan lang ang bunga. Si Jinggoy? Di na pinapansin yan!”. Relaks lang si Chavit. Bakit nga naman hindi? Matalino rin siya. Ayaw niya ng posisyon na dadaan sa pangingilatis ng Appointments Committee ng Senado na siguradong hindi siya ipapasa. Hindi ka-lebel ng Gabinete ang Deputy National Security Adviser. Kaya magreklamo man o buma tikos ang kahit sino — walang magagawa sa appointment ng Presidente sa kanya.
- Latest
- Trending