EDITORYAL - RP, mabagal umakto para malabanan ang paninigarilyo
HINDI nakapagtataka kung sa mga darating na panahon ay marami ang may cancer sa baga, may butas ang lalamunan at pisngi at iba pang nakaririmarim na sakit dulot ng paninigarilyo. Higit sa lahat, marami ang mamamatay dahil hindi na nakaiwas sa nakamamatay na sigarilyo. Sisihin ang gobyerno at maging ang mga mambabatas kung marami ang magkasakit at mamatay dahil sa bisyong paninigarilyo. Mabagal umakto ang gobyerno at kalabisan nang sabihin na hindi nakikiisa sa kampanya ng World Health Organization (WHO) para mapigilan na ang bisyong paninigarilyo. Hindi natupad ng Pilipinas ang commitments sa ipinangakong tatlong taon na magkakaroon na ng picture-based health warning sa pakete ng mga sigarilyo. Tinulugan ng mga mambabatas ang nakahaing batas na noon pang 2007 nai-file. Ang batas ay naglalayong mai-print sa mga kaha ng sigarilyo ang mga sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Isang halimbawa ay ang larawan ng isang lalaking payat at nanghihina at nakikipaglaban sa lung cancer. Ang lung cancer ay pinaniniwalaang nakuha sa paninigarilyo.
Noong 2005 pa pinag-usapan ang ukol sa paglalagay ng mga picture sa kaha ng sigarilyo at 160 bansa ang sumang-ayon dito. Nilagdaan ang kasunduan sa WHO-initiated Framework Convention on Tobacco Control. Isa ang Pilipinas sa pumirma sa kasunduan. Tatlong taon ang inilaang panahon para mapaghandaan ang paglalagay ng mga picture-based warning.
Kung susundin ang napag-usapan sa Convention, dapat ngayong 2008 ay mayroon nang mga picture warning sa mga kaha ng sigarilyo. Pero meron ba kayong nakitang naka-print na picture-warning sa mga kaha ng sigarilyo. Di ba wala?
Ayon sa pag-aaral na isinagawa, mas epektibo ang paglalagay ng picture sa mga kaha ng sigarilyo kaysa text na nagsasabing nakakanser ang paninigarilyo. Kapag nakita umano ang nakalarawan sa kaha gaya ng isang lalaking may kanser, malaki ang epekto na huminto na sa paninigarilyo ang smoker.
Ang mga bansang naglagay na ng picture-based warning sa kaha ng sigarilyo ay ang Thailand, Singapore, Hong Kong at ang mga bansang kasapi sa European Unions.
Ang Pilipinas ay mabagal umakto gayong nakapirma na. Hihintayin pa bang marami ang magkaroon ng cancer sa baga at lalamunan, bago kumilos?
- Latest
- Trending



















