^

PSN Opinyon

‘Dugo sa tulay...’

- Tony Calvento -
(Unang bahagi)

“Habang binabagtas namin ang kahabaan ng tulay sa boundary ng Naic, Maragondon, Brgy., Malainen Luma, sa Naic, Cavite ay bigla na lamang lumitaw ang mga lalakeng armado ng mahahabang baril at sinalubong kami ng sunud-sunod na putok. Niratrat kami ng bala.

Unang tinamaan ang asawa kong si Wilma. Siya ang nagma­ma­neho ng owner jeep namin habang yakap ko ang anak kong si Wendy na sampung taong gulang lamang.  Lulan kami ng owner jeep ko ng biglang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok.

Nakita ko ang apoy na nanggagaling sa dulo ng armalite rifle na walang awang pinapaputok sa amin. Kitang-kita ko ang tila pagpasok ng mga bala sa iba’t ibang parte ng katawan ng asawa ko.

Pinilit kong isinalba at harangan ang murang katawan ng anak ko sa lahat ng bala na mabilis na tumatama ngunit nabigo ako at pareho kaming natadtad ng bala. Kasabay nito ay napasigaw ako,  DIYOS KO ANONG NANGYAYARI?”

ITO ANG NILALAMAN ng pahayag ni P03 Ferdinand Ba­quiran isang dating miembro ng Special Action Force (SAF) at Intelligence Group ng PNP.

August 5, 2008 ng magpunta ang isang mama na may balot ang kaliwang mata sa aming tanggapan. Pagkita ko pa lamang sa kanya naisip kong ito yung pulis na rinefer ni Department of Justice Secretary Raul Gonzalez na humingi ng tulong sa aming tanggapan ng “Hustisya Para Sa Lahat.” Agad naman siyang kinausap ng aking reportorial team.

Si P03 Ferdinand T. Baquiran ay 44 taong gulang ng mangyari ang insidente. Simple lang ang pamumuhay kasama ang asawang si Maria Wilma Baquiran. May tatlong anak na sina Wendy Faye sampung taong gulang, Anne Wichelle Dee siyam na taong gulang at France Wilfer na nung mga panahong iyon ay wala pang isang taon.

Taong 1991 hanggang 1992 ng una siyang nadestino sa Oriental Mindoro bilang police officer. Na-absorb siya ng PNP Special Action Force sa Bicutan mula 1992 hanggang 1998.

1999 ng malipat sa bayan ng Rosario, Cavite. Siya ay naging desk officer, radio operator, traffic enforcer at assistant ni SPO1 Bonifacio Mercado. Nagkaroon ng Mayor’s election at nagkaroon ng reshuffle at na-transfer siya sa Maragondon, Cavite nung 2004.

Sa Maragondon, Cavite siya ay naging radio operator, desk officer at ‘di nagtagal naging intelligence officer din.

Naging maganda ang takbo ng paglilingkod ni PO3 Baquiran sa nasabing bayan.

‘’Nung nagtagal naging kaibigan ko yung mga Barangay Ka­pitan dahil lagi akong dumadalaw sa iba’t ibang nayon para mag­tanong ukol sa mga problema nila para maiparating kong sa aming hepe,” kwento ni PO3 Ferdinand.

Isang araw ay ipinakilala ng kanyang kapatid na babae na si Esmeralda Diana at asawa nitong si Fedie Diana na pulis din si Rodelio Punzalan.        

Isang U.S Citizen na may-ari ng 67 hektarya ng lupa sa Sitio Balayungan Pantihan I, Maragondon, Cavite.

Nagkaroon sila ng kasunduan na si PO3 Baquiran kasama ang Barangay Kapitan ng nasabing lugar na si Brgy. Kapitan Braulio Malimban ang mamamahala sa pagputol ng mga tanim na puno at kawayan sa nasabing lupain. Makakatanggap sila ng porsyento sa bawat puno at kawayan na mapuputol para ibenta.

“Dahil kailangan namin ng pera kaya pumayag ako. Nag­paalam muna kami ni Kapitan Malimban sa Mayor ng aming ba­yan na si Mayor Monte Anico Andaman at sinabi namin na kung pwede kami kumita ng extra income. Binanggit din namin kung saan at ano ang aming pagkakakitaan. Di nagtagal ay pinayagan niya kami da­hil wala namang masama sa aming gagawin,” sabi PO3 Baquiran.

Dahil sa sampung taon ng namamalagi sa Amerika si Rodelio hindi na niya inasikaso ang lupang ipinamana ng kanyang magulang kaya naman may mga taong nagtanim at nagtayo na ng bahay sa nasa­bing lupain.

Agad naman nila ipinaalam sa mga taong nakatira at nagtanim sa lupain ang desisyon ng may-ari na si Rodelio na siya na ang aani ng mga kawayan at puno at sila PO3 Baquiran at Kapitan Malimban naman ang mamamahala.

Sa katunayan ay ang ilan sa mga nakatira at nakitanim sa lupang iyon ay pumayag na magtrabaho kay Rodelio upang mag-ani at magputol ng mga kawayan.

Ayon kay PO3 Baquiran na hindi nila alam na may ‘di pagka­kasunduan si Rodelio at si Mayor Monte Andaman dahil sa lupa at sa mga tao ni Mayor Monte Andaman na kinilalang mga Dino Brothers.

“Dito na nagsimula na guluhin at takutin ng mga Dino Brothers ang aming mga tao para matigil ang aming pag-aani.  Naki-usap kami sa kanila ng maayos upang wag na takutin ang aming mga tauhan at kung pwede na si Rodelio naman ang makinabang sa mga tanim dahil sa loob ng sampung taong namalagi sa labas ng bansa si Rodelio sila ang umani at nakinabang ng lahat ng tanim na hindi man lang alam ng may-ari ng lupa na si Rodelio,” ayon kay PO3 Baquiran.

Sabi ni PO3 Baquiran na matapos ang pag-uusap ay dun na nagsi­mula ang pananakot kay Kapitan Malimban. Di umano ay ilang beses tinam­bangan ng Dino Brothers si Kapitan Malimban. Nung nagtagal mismong si Mayor Monte Andaman na ang bumisita kay Kapitan Malim­ban upang sabihin na umagwat na kay PO3 Baquiran.

Kinausap ni Kapitan Malimban si PO3 Baquiran at sinabihan niya ito na dun muna tumigil sa bahay ng kanyang nakatatandang kapatid na dating Brgy. Kapitan ng Brgy. Panithan I, Maragondon, Cavite na si Tunying Malimban sapagkat sinabihan siya ni Mayor Monte Andaman na lumayo muna kay PO3 Baquiran dahil daw sa pulitika at baka masira sila sa taong nayon.  

Sinunod ni PO3 Baquiran ang payo ni Kapitan Malimban at dun na namalagi sa bahay ni Tunying para mas mabantayan ng maayos ang pagpuputol ng kawayan at puno. Kasabay rin nito ang pagbibilang at ma-record ng tama ang mga tanim at maibigay na rin ang sweldo ng mga tao. (KINALAP NI JONA FONG)

ABANGAN SA BIYERNES ang mga susunod na pangyayari sa pagnanambang kay P03 Baquiran at ng kanyang pamilya …Eksklusibo dito lang sa “CALVENTO FILES SA PSNGAYON.”

PARA SA MGA biktima ng krimen, karahasan o legal problems maari kayong magtext sa 09213263166 o sa 09198972854, Maari din kayong tumawag sa 6387285. Ang aming tanggapan ay matatagpuan sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

Email address: [email protected]

BAQUIRAN

CITY

KAPITAN MALIMBAN

SHY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with